Duterte sa NBI: Hanapin ang katotohanan sa Sulu ‘misencounter’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) na “hanapin ang katotohanan” sa likod na nangyaring pamamaril ng mga pulis sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu.

Binanggit ito ni Duterte habang nagbibigay ng talumpati sa harap ng mga sundalo sa Edwin Andrews Air Base sa Zamboanga City.

Ayon sa pangulo, labis siyang nalungkot at nagalit hinggil sa insidente. Gayunpaman, ipinahayag nito na mas mabuti kung maghintay muna ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa resulta ng imbestigasyon,

Sa naturang insidente, apat na miyembro ng Army intelligence unit ang nakabuntot sa pinaghihinalaang suicide bombers ng grupong Abu Sayyaf sa Jolo, Sulu nang biglang pagbabarilin ang mga ito ng mga pulis.

Ang mga nasawi ay sina Maj. Marvin Indammog, Capt. Irwin Managuelod, Sgt. Jaime Velasco, at Cpl. Abdal Asula.

Tiniyak naman ni Duterte sa militar na isasapubliko nito ang resulta ng imbestigasyon ng NBI para maunawaan ng lahat aniya ang sitwasyon.

And I’m sure they will not fail me (Tiyak akong hindi nila ako bibiguin). Kilala ko itong mga ‘to, sila. So sabi ko, get the truth (hanapin ninyo ang katotohanan). Huwag mong sobrahan, huwag mong kulangan, ‘yung totoo lang because it will save us the trouble,” ani Duterte.

Samantala, iginiit ni Duterte na nagtungo siya sa Zamboanga City upang humingi ng pag-unawa sa umano’y “misencounter” sa pagitan ng pulis at militar.

Aniya, “Mahal ko ang sundalo ko. Mahal ko rin ang pulis ko. Puro nagta-trabaho. Ang hinihingi ko na lang, yung understanding ninyo sa nangyari.”

Siyam na pulis ang nasangkot sa pamamaril sa apat na nasawing sundalo. Sila ay dinisarmahan na at kasalukuyang nasa kustodiya ng Sulu police.

Ang mga ito ay sina Staff Sgt. Almudzrin Hadjaruddin, Pat. Alkajal Mandangan, Pat. Rajiv Putalan, Senior Master Sgt. Abdelzhimar Padjiri, Master Sgt. Hanie U Baddiri, Staff Sgt. Iskandar Susulan, Staff Sgt. Ernisar Sappal, Cpl. Sulki Andaki, at Pat. Mohammad Nur Pasani.

LATEST

LATEST

TRENDING