Iginiit ni Chief implementer ng National Task Force against Covid-19 Secretary Carlito Galvez na mahina umano ang contact tracing sa Lungsod ng Cebu kung saan 30% lamang ng mga taong nakasalamuha ng mga Covid-positive patients ang kayang matukoy.
Dagdag ni Galvez, may kakulangan sa liderato at estratehiya ang ginagawang pagresponde sa Covid-19 sa Lungsod ng Cebu.
Mayroong mga overpopulated na lugar din umano subalit walang isolation procedures at mga pasilidad para sa mga pasyente ng Covid-19.
Ayon naman kay Cebu City Mayor Edgardo Labella, nakapagbuo na sila ng 80 contact tracing teams matapos magbigay ang Department of Health (DOH) ng karagdagang testing kits.
“We have already started training our contact tracers because the more important aspect of fighting this is contact tracing, and, of course, after contact tracing, isolation and treatment. We are going in that direction (Inumpisahan na namin ag training ng mga contact tracers sapagkat napakahalaga rin sa laban ang contact tracing at pagkatapos nito, isolation at treatment. Papunta tayo sa direksyong iyon),” ani Labella.
Ipinaliwanag ni Labella na isa sa mga problemang naranasan nila sa testing at contact tracing noong nakaraan ay ang pagkaantala sa paglabas ng resulta dahil sa kakulangan ng testing laboratories.
Subalit, naayos na raw ito. Aniya, “In the new set-up, in a matter of 24 to 48 hours, the results are now released so that I think it’s more effective to prevent the spread of the disease (Sa bagong set-up 24 hanggang 48 oras na lang ang itatagal bago ilabas kaya naman tingin ko mas epektibo ito sa pagpigil sa sakit)”
Ipinahayag naman ni Galvez at ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, National Task Force Against Covid-19 vice chairman, na bumuti ang pagsunod ng mga residente sa quarantine protocols matapos silang ituring na mga “pasaway” at matitigas ang ulo.
Naunang iniulat ng ilang opisyal na 30 mula sa 100 katao sa Cebu City ay nagpositibo sa Covid-19. Ang buong lungsod ay muling isinailalim sa enhanced community quarantine mula Hunyo 15 -30 dahil sa pagtaas ng bilang sa mga kaso ng Covid-10.
Ayon kay Año, nag-umpisa umanong sumunod ang mga tao sa mga panuntunan ng ECQ simula noong pinaigting ang presenta ng pulis at militar sa mga apektadong lugar.
Samantala, magdedeploy naman ng karagdagang mga health workers ang DOH upang matulungan ang lungsod sa laban nito kontra Covid-19, ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Ayon sa kanya, bagama’t boluntaryo ang pagdeploy ng Doctors to the Barrios sa Cebu City, ipapadala naman ang infectious disease consultants mula sa Philippine Society of Medical Specialists para magbigay tulong sa management ng mga kaso sa lungsod.
Ipinadala rin ang ilang nurses at military doctors sa pampubliko at pampribadong mga ospital sa Cebu City na humahawak ng Covid-19 cases.
Sa loob ng buwan, inaasahan naman ni Galvez na magbubukas ng mga karagdagang flights sa Cebu International Airport upang matugunan ang 4,000 na mga Pilipino abroad na nais makauwi.