Iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Hulyo 2 na kinakailangan ang agarang pagtuklas ng bakuna kontra Covid-19, dahil nahaharap pa rin umano sa “malaking suliranin” ang bansa dahil sa pandemiya.
Aniya, “Hanggang wala pong bakuna, hanggang wala pong gamot sa sakit na iyan, hindi po tayo mananalo laban sa Covid-19”.
Ito ay isang araw matapos matuwa ang tagapagsalita ng pangulo dahil “nanalo” na umano ang bansa sa Covid-19 matapos hindi magkatotoo ang prediksyon ng mga mananaliksik mula University of the Philippines (UP) na papalo sa 40,000 ang bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa Hunyo 30.
“Pero alam ko po, malaki pa rin ang problema, at ultimately, kailangan talaga ang bakuna at [gamot],” ani Roque.
Noong Hunyo 30, nakapagtala ang bansa ng 37,514 na kumpirmadong mga kaso ng Covid-19 na may 10,233 recoveries at 1,266 deaths. Noong Hulyo 1, tumaas naman ang bilang sa 38,511 cases.
Naunang ipinahayag ng pangulo noong Hunyo 22 na marami nang bansa umano ang nasa proseso ng pag-develop ng bakuna kontra Covid-19.
Ayon naman kay Roque, ang mga hakbang ng pamahalaan ay para lamang mapabagal ang pagkalat ng Covid-19 sa bansa. Nagbabala naman ito na magkakaroon ng “100 porsyentong” mabilis na transmisyon ng coronavirus kung mananatili aniyang matigas ang ulo ng taumbayan.
Ang pagsunod sa mga panuntunan ng quarantine ay ang pangunahing sandata pa rin aniya sa pagsugpo sa Covid-19.
“Sa pagbabago ng ugali at nakasanayan tulad ng pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay, pagso-social distancing, mananaig tayo laban sa sakit,” wika ni Roque.
Ang susi umano sa tagumpay sa laban na ito ay nasa kamay pa rin ng taumbayan.
Paliwanag niya, “Nasa kamay po natin kung anong mangyayari sa atin dito sa gitna ng pandemyang ito”.