Bagama’t inaprubahan ng Department of Health (DOH) ang 8,553 slots para sa emergency hiring ng 286 health facilities ng pamahalaan, 47 porsyento lamang aniya ang napunan nito, ayon sa ika-14 na ulat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara.
“Of the 8,553 slots approved, 4,045 HRH (human resources for health)… have been hired (Sa inaprubahang 8,553 slots, 4,045 HRH… ang na-hire),” ani Duterte.
Hindi sapat ang bilang ng mga kumukuha ng trabaho sa public health sector ngayong panahon ng Covid-19 pandemic.
Ayon sa pangulo, nagsagawa umano ang DOH sa pansamantalang pag-redeploy ng mga nurses sa mga ospital na humahawak ng Covid-cases pati na rin sa specimen collection at swabbing.
“Public health associates have also been assigned to regional, provincial and municipal health units for contact tracing and surveillance activities (Itinalaga sa mga regional, provincial, at municipal health units para sa contact tracing at surveillance ang mga public health associates),” dagdag pa ni Duterte.
Sa naunang ika-13 na ulat sa Kongreso, mayroong apat na “bottlenecks” sa hiring ng health workers ayon sa DOH.
Isa sa mga ito ang kawalan ng mga nag-aapply para sa mga posisyon katulad ng doktor. Isa pang dahilan ay ang pagkakaroon ng private practice ng ilang mga aplikante na hindi nila magawang isuko.
Ang rason naman ng ibang aplikante ay kalayuan ng pasilidad mula sa tahanan, kawalan ng transportasyon, kakulangan sa akomodasyon o tirahan, pangamba na mahawaan ang pamilya ng Covid-19, at kawalan ng kumpiyansa sa biosafety o sa mga infection control protocols.
Ang ikaapat na rason naman ay ang pagkaantala sa screening ng mga aplikante. Ilan sa mga pasilidad din ay mas kumikiling sa mga may karanasan na sa healthsector.
Iginiit ni Duterte na binibilisan umano ng DOH ang isinasagawang emergency hiring ng mga karagdagang manggagawa. Ayon sa pangulo, ang evaluation ng mga facility requests ay ipinaubaya na sa Centers for Health Development (CHD) para sa mga pasilidad na hindi nasa ilalim ng DOH kabilang ang ilang local government-run hospitals at mga pampribadong pasilidad.
Matapos aprubahan, ipagbibigay-alam ito kaagad sa health development centers at sa DOH upang maumpisahan agad ang recruitment, pre-engagement, orientation at training ng mga aplikante.
Samantala, ayon naman kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire noong Hulyo 30, nasa 17,022 health workers na ang na-deploy para sa Covid-19 response ayon sa datos noong Hunyo 29. 7,329 sa mga ito ay nagsisilbing contact tracers at swabbers habang 3,471 naman ay naglilingkod bilang public health associates sa mga regional, provincial at municipal epidemiology and surveillance units.
Dagdag pa ni Vergeire, 4,521 sa mga manggagawa ang tinanggap mula sa health emergency hiring program, 1,367 ang na-redeploy sa ilalim ng nurse deployment projects, at 334 naman ay mga post-residency na mga doktor.
Ang inilaang pondo para sa emergency hiring ng mga health facilities ay nasa P851 milyon. Kasalukuyan namang pinoproseso ng DOH ang paglalaan ng P457 milyon para sa iba pang health facilities na may aprubadong health personnel slots para sa hiring.