DepEd: 20 porsyentong pagbaba sa elementary at high school enrollees, inaasahan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Edd Gumban (The Philippine STAR)

20 porsyento umano ang ibababa sa enrollment ng mga estudyante sa elementarya at sekondarya dahil sa negatibong epekto sa ekonomiya, ayon sa Department of Education (DepEd).

Gayunpaman, tuloy pa rin ang enrollment period hanggang Hulyo 15.

Ayon sa ahensya, kasalukuyang pinapaigting nito ang mga hakbang upang maabot ang mas maraming mga mag-aaral matapos hindi marating ang inaasahang bilang ng mga enrollees noong nakaraang buwan.  

Sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na hindi maaabot ngayong taon ang naitalang bilang na 27 milyong enrollees noong 2019 dahil sa pananalasa ng Covid-19 pandemic.

Aniya, “Expected talaga namin na hindi namin makukuha ’yung 27 million. Iba ’yung projection namin”.

Ayon naman kay DepEd Undersecretary for planning service and field operations Jesus Mateo, layunin ng ahensya na maaabot ang 80 porsyento ng mga enrollees noong nakaraang taon o tinatayang nasa 21.6 milyon.  

 “Ang isang naapektuhan ’yung ekonomiya. ’Pag naapektuhan ang ekonomiya, maaapektuhan ’yung income. ’Pag naapektuhan ’yung income, meron tayong problema diyan sa pagpasok ng kabataan. Ang projection natin, 80 percent lang ang papasok,” ani Mateo. 

Subalit, 16.6 milyong mga mag-aaral lamang ang nakapag-enroll ayon sa datos noong Hulyo 1. Sa bilang na ito, mahigit 15.8 milyon ang nagparehistro sa mga pampublikong paaralan habang 706,000 naman ang nagpa-enroll sa mga pampribadong eskwelahan.

Ikinabahala naman ng ilang grupo ang mababang tala ng enrollees para sa darating na pasukan.

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), ang mababang turnout ay sumasalamin sa kahinaan ng DepEd sa ipinatutupad na learning continuity program, na itinutulak pa rin bagama’t nasa gitna ng pandemiya.

Iminungkahi ng ACT na sa halip na ituloy ang formal education, magpatupad na lang aniya ng mga pansamantalang non-formal adaptive learning programs habang nasa gitna pa ng pandemiya ang bansa.

Para naman sa National Union of Students of the Philippines, hindi dapat ipagpilitan ng pamahalaan ang panukalang blended learning sapagkat maaari nitong hindi matugunan ang karapatan ng mga mag-aaral sa edukasyon.

Aniya, “The shift to flexible/blended learning has already caused too much stress to students and families who do not have internet connection and the necessary gadgets (Ang pagtransisyon sa blended learning ay nakapagdulot ng labis na stress sa mga estudyante’t mga pamilya na walang internet at mga gadyet)”.

 “Instead, the government must focus on how to make the resumption of physical classes safe and attainable in the soonest time possible. This includes mass testing, sanitizing school campuses, and ensuring more classrooms that allow physical distancing (Sa halip, dapat ibaling ng pamahalaan ang atensyon sa kung paano gagawing ligtas ang pisikal na pagdaraos ng klase sa lalong madaling panahon. Kabilang dito ang mass testing, sanitizing ng campus, at pagtiyak na may social distancing sa mga silid-aralan),” dagdag pa ng NUSP.

Gayunpaman, itutuloy pa rin ng DepEd ang pagratsada ng pasukan sa Agosto 24.

Idiniin naman ni Briones na hindi lamang online learning ang opsyon at hindi obligado ang mga pamilyang bumili ng mga gadyet para sa mga bata.

Ilan sa mga opsyong gagamitin sa pagtuturo ay ang paggamit ng radyo at telebisyon na direkta sa tahanan ng mga mag-aaral.

LATEST

LATEST

TRENDING