SC, ibinasura ang petisyong laban sa konstitusyonalidad ng Bayanihan Law at ECQ sa Luzon

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyong naglalayong kwestyunin ang konstitusyonalidad ng Republic Act No. 11469 o ang Bayanihan to Heal As One Act at iba pang mga kautusan tungkol sa estratehiya ng gobyerno sa paglaban sa Covid-19 pandemic.

Sa inilabas na pahayag noon Hulyo 1 mula sa SC Public Information Office, ibinasura ng Korte Suprema en banc ang petisyong inihain ni dating Laguna State Polytechnic University dean Jaime Ibañez dahil hindi nito naipakita ang “malubhang pagsasamantala sa diskresyon” ng mga inirereklamo.

Kabilang sa sinampahan ng reklamo ay sina Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, Health Secretary Francisco Duque III, at ang Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

Nagpahayag naman ng dissenting opinion ang dalawang mahistrado na sina Associate Justices Marvic Leonen, at Samuel Gaerlan.

Ayon sa Korte Suprema, ilalabas nito ang kopya ng resolusyon kung aprubado na ito ng Office of the Clerk of Court.

Ang petisyong inihain ni Ibañez ay nagnanais na ideklara bilang “partly unconstitutional” ang Bayanihan Law at Presidential Proclamations 922 at 929 na inilabas bunsod ng Covid-19 pandemic.

Ang Proclamation No. 922 na inilabas noong Marso 8 ay nagdeklara ng state of public health emergency sa buong kapuluan habang ang Proclamation No. 929 naman na inilabas noong Marso 16 ay nagdeklara ng state of calamity nationwide sa buong bansa at naglunsad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon.

Noon ding Marso, isinabatas ang Bayanihan law na nagbigay ng karagdagang kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte upang mabilis na isakatuparan ang iba’t-ibang hakbang bilang pangontra sa Covid-19. Nagtagal ng tatlong buwan ang batas hanggang Hunyo 25.

Ayon kay Ibañez, ang kaso ay may kinalaman sa “undue exercise of delegated legislative power”.

LATEST

LATEST