Pamilya ng mga sundalong nasawi sa Sulu ‘misencounter’, nanawagan para sa hustisya

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: ABS-CBN News

Habang nagluluksa at nananawagan para sa hustisya ang pamilya ng apat na nasawing Army intelligence personnel sa Jolo, Sulu, umapela naman si Pangulong Rodrigo Duterte sa hanay ng mga sundalo na manatiling kalmado bagama’t emosyonal.

Ang labi ng tatlo sa apat na pinatay ay kasalukyang nakalagak sa Libingan ng Mga Bayani matapos ilipad mula Zamboanga.

Para sa mga pamilya ni Sergeant Jaime Velasco, 38, at Captain Irwin Managuelod, 33, labis ang kalungkutang idinulot ng kanilang maagang pagpanaw.

Ayon sa ama ni Velasco, na isa ring sundalo, hindi niya pinilit ang kanyang mga anak na sumabak sa militar. Gayunpaman, ito raw ang nakitang landas na Jaime para buhayin ang kanyang asawa’t mga anak.

Aniya, “Mabait yung anak ko. Bakit ginanyan nila? Kaya yan ang medyo nagpapasama sa loob ko. Nagpakilala na, ‘Kabaro lang kita.’ Nag-raise-your-hand pa, binanatan pa nila”.

Ang asawa naman ni Captain Managuelod na si April Joy ay hindi pa rin makapaniwala sa sinapit ng asawa.

“Hindi ko maintindihan bakit kabaro pa,” giit niya.

Dagdag pa ni April Joy habang naluluha, “Kakapirma lang namin ng marriage certificate, tapos kahapon, death certificate na niya yung pinipirmahan ko”.

Isa lamang ang ninanais ng dalawang pamilya – ang makamit ang pinakaaasam-asam na katarungan.

“Kung sakaling ano man ang kahitnatnan ng imbestigasyong ito, sana naman yung walang bias ba, na pantay-pantay. Kami pang na-agrabyado, kami pa ang may sala? Hindi makatarungan yung ginawa nila. Sana maparusahan ang dapat maparusahan,” wika ni Velasco.

Samantala, humiling naman ng privacy ang pamilya ni Major Marvin Indammog sa lamay nito.

Ang mga labi naman ni Corporal Abdal Asula, na ginawaran ng full military honors, ay inilibing sa Sulu alinsunod sa tradisyong Muslim.

Ayon kay Philippine Army spokesperson Lieutenant Colonel Ramon Zagala, makatatanggap ang pamilya ng mga nasawi ng pension at funeral assistance.

Nagpaabot din ng tulong si Pangalawang Pangulo Leni Robredo matapos itong bumisita sa burol. Dumalo rin sina Senador Risa Hontiveros, Defense Secretary Delfin Lorenzana, at ang commanding general ng Army na si Lieutenant General Gilbert Gapay.

Sinabi naman ni Major General Corleto Vinluan, commander ng Joint Task Force Sulu at ng Philippine Army 11th Infantry Division, emosyonal aniya ang mga unit ng sundalo sa Sulu kung saan nadestino ang apat na nasawi.

“Nandito ako sa ground. Mahirap yung ground commander na, kapag nakita kang galit ng tropa. Magagalit down the line yan, down to the lowest ranking enlisted personnel, galit na yan. Yun ang delikado,” ani Vinluan.

Ipinahayag naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na maiwasan ang pagpapalala sa sitwasyon at nanawagan ito umano sa mga matataas na opisyal ng militar na maging kalmado hangga’t maaari tungkol sa nangyaring pamamaril.

“Ang gusto niya, wag nang lumaki. One of these days, kakausapin din niya yung mga tropa sa South,” paglilinaw ni Lorenzana.

Gayunaman, parehong sinabi nina Army Chief Gapay at PNP Chief General Archie Gamboa na hindi maapektuhan ng pangyayari ang relasyon sa pagitan ng pulis at militar.

LATEST

LATEST

TRENDING