Magpapatawag ng special session ang ehekutibo sa dalawang kapulungan ng Kongreso upang pag-isahan ang dalawang bersyon ng panukalang Bayanihan 2 stimulus package na gagamitin sa laban kontra Covid-19, ayon sa Malacañang.
Inanunsyo ito ni Presidential spokesperson Harry Roque batay sa nakalap na impormasyon mula kay Finance Secretary Carlos Dominguez III.
Ayon sa Saligang Batas, maaaring magpatawag ng special sessions ang pangulo na kadalasang ginagawa sa pagitan ng regular legislative sessions upang matugunan ang mga urgent na suliranin.
“Nung huling pag-ulat ni Presidente sa taumbayan, nandun po si Secretary Dominguez at sinabi niya sa’kin halos plantsado na ‘yung Bayanihan 2 at magpapatawag na nga po ng special session,” ani Roque.
Dagdag pa nito, “Sinabing may linaw na po at magpapatawag na ng session at sinabi ni Secretary Dominguez na importante magkaroon ng Bayanihan 2.”
Nag-adjourn noong nakaraang buwan ang Senado nang walang pinal na pagpapasya sa Bayanihan to Recover as One bill, o Bayanihan 2, na laglalayong palawigin ang ilang probisyon ng naunang Bayanihan to Heal As One Act na nagpahintulot sa gobyerno na mamahagi ng ayudang pinansyal sa panahon ng pandemiya.
Ang Bayanihan to Heal as One Act, o Republic Act 11469, ay isinabatas noong Marso 24 at naging epektibo sa loob ng tatlong buwan hanggang Hunyo 24. Sa batas na ito, ginawaran si Pangulong Rodrigo Duterte ng karagdagang kapangyarihan upang mas mapabilis ng pamahalaan ang paresponde nito sa Covid-19 krisis.