Malacañang, dumistansya sa huling kautusan ng NTC sa pagpapahinto ng ABS-CBN programs

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Dumistansya ang Palasyo noong Hulyo 1 sa huling ginawang hakbang ng National Telecommunications Commission (NTC) na maghain ng cease and desist orders upang ipatigil ang broadcast ng ABS-CBN TVPlus sa Metro Manila at ang satellite broadcast ng Sky Cable sa buong bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, diskresyon ng NTC ang paghahain ng cease ang desist orders at hindi ito maaaring kwestyunin ng ehekutibo kundi ng korte lamang.

Aniya, “I’m not too familiar with the issues raised by the NTC because as I have repeatedly said, NTC is a quasi-judicial body. We do not have power of appellate review over decisions of NTC and its decisions are appealable only to the courts (Hindi ako pamilyar sa mga isyu ng NTC sapagkat inuulit ko, ang NTC ay isang quasi-judicial body. Wala kaming kakayanan na magsagawa ng apellate review sa pagpapasya ng NTC dahil ang kanilang mga desisyon ay maaari lamang iapela sa mga korte)”.

Naghain ng cease and desist ang NTC noong Hunyo 30, upang mapahinto ang operasyon ng ABS-CBN sa digital television transmission nito gamit ang Channel 43 ng Amcara Broadcasting Corp.’s Channel 43.

Dahil sa inilabas na kautusan, maapektuhan ang mga programa sa mga channel ng ABS-CBN’s TVPlus katulad ng Cine Mo!, Yey!, DZMM Teleradyo, Jeepney TV, Asianovela Channel, at ang pay-per-view channel nitong KBO.

Huminto ang ABS-CBN sa television at radio broadcasts nito noong Mayo 5 matapos maglabas ng cease and desist order ang NTC alinsunod sa pagwawakas sa 25-year legislative franchise ng network noong Mayo 4.

Muli naman nitong ibinalik ang ilang programa sa TVPlus sa pamamagitan ng blocktime gamit ang Channel 43.

Sa isang hiwalay na cease and desist order, ipinahinto rin ng NTC ang cable firm ng ABS-CBN na Sky Cable Corp. na makakaapekto sa mga tahanang may Sky Direct satellite dishes.

Ayon sa NTC, wala nang “valid subsisting congressional franchise to install, operate, or maintain a Direct Broadcast Service satellite” ang Sky Cable dahil natapos din ito noong Mayo 4.

Para naman sa Malacañang, Saligang Batas lamang aniya ang gagawing batayan nito hinggil sa operasyon ng broadcast firms na may valid congressional franchise.


LATEST

LATEST

TRENDING