Iginiit ni Presidential spokesperson Harry Roque noong Hulyo 2 na hindi niya layunin ang mang-“offend” sa pagbisita niya sa isang resort sa Subic, Zambales sa gitna ng pandemiya matapos siyang umani ng kaliwa’t-kanang pambabatikos sa social media.
Ayon sa ipinost na mga lawaran sa Facebook page ng Ocean Adventure, makikita si Roque na lumalangoy kasama ang mga dolphin. Binura naman ang naturang post kinalaunan.
Depensa ni Roque, tumigil siya sa resort habang patungo sa Mariveles, Bataan upang asikasuhin ang kanyang mga naiwang negosyo na hindi niya nagawa noong magkaroon ng lockdown.
Aniya, “I was trying to wrap up po ‘yung mga negosyo ko noong wala pa ako sa gobyerno. Hindi ko naman po magawa nung sarado po ang Bataan”.
Sinabi ng tagapagsalita ng pangulo na siya lamang umano ang bisita ng resort sa mga panahong iyon at iyon daw ang unang araw ng modified general community quarantine sa lugar.
“Wala pong nalabag pero kung meron pong na-offend, paumanhin po. ‘Di po natin intensyon na tayo’y may ma-offend po,” ani Roque.
Dagdag pa nito, “I can assure po (Tinitiyak ko po) dahil paulit-ulit naman nating sinasabi ang rules pero paumahin pa rin po kung hindi nagustuhan ang mga larawan.”