Muling humingi ng dispensa sa taumbayan ang courier company na J&T Express matapos itong pagbantaang ipapasara ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa mishandling umano ng mga delivery packages.
Pinaulanan ng batikos ang J & T Express matapos magviral ang isang video na pinapakita ang ilang staff na hinahagis at itinatapon ang mga delivery packages sa loob ng isang delivery truck.
Ikinagalit ito ng pangulo at inatasan ang mga ahensya na paimbestigahan ang J&T Express Philippines.
“We appreciate the concern expressed by the President towards our customers’ welfare as well as the well-being of our many partners and employees (Kinikilala namin ang pagpapahalaga ng pangulo sa kapakanan ng aming nga customer pati na ang kapakanan ng aming mga partner at empleyado),” ani J&T vice president, Zoe Chi, sa isang pahayag.
“Furthermore, we will cooperate with the government in any investigation that it will conduct (Makikipagkooperasyon kami sa pamahalaan sa kung anong imbestigasyon ang ipatutupad nito),” dagdag pa ni Chi. “We are committed to improving our services for the benefit of the public (Nakatuon kami sa pagpapabuti ng aming serbisyo sa publiko).”
Ang mga ahensyang nagsasagawa ng imbestigasyon sa kumpanya ay ang National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon naman kay J&T Express Philippines Brand Manager Leonardo Alampa, nagsumite na ng ulat ang kumpanya sa CIDG tungkol sa resulta ng isinagawang internal investigation.
Naparusahan na aniya ang mga empleyadong nasapul sa video na hindi iniingatan ang mga padala.
Pinarusahan din ang empleyado na kumuha ng video dahil ipinagbabawal ang pagkuha ng litrato at video sa loob ng J&T warehouses.
Ayon naman kay Chia, isolated case ang nangyari at hindi nito sinasalamin ang mga panuntunang ipinapatupad ng kumpanya sa paghawak ng mga padala.
Iginiit din ng kumpanya na bukas ang kanilang mga linya para sa mga customer na nais magreklamo tungkol sa kani-kanilang mga padala.
Maaaring makipag-ugnayan ang mga ito sa J&T Express Philippines 24/7 hotline sa (02) 8911-1888 o magpadala ng e-mail sa customerCA@jtexpress.ph.
Puwede ring magpadala ng mensahe sa Facebook page ng kumpanya na ‘J&T Express Philippines’ o di naman sa Instagram o Twitter sa handle na ‘@jntexpressph.’