Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) na pabilisin nito ang imbestigasyon tungkol sa naganap na “misencounter” sa Jolo, Sulu na kinasangkutan ng ilang pulis at sundalo, ayon sa Malacañang.
Ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque Jr. na labis na ikinalungkot ni Duterte ang pangyayari.
Ang mga nasawi ay sina Maj. Marvin Indammog, 39; Capt. Irwin Managuelod, 33; Sgt. Jaime Velasco, 38; at Cpl. Abdal Asula, 33.
Silang apat ay nakabuntot sa apat na terorista bago mangyari ang pamamaril sa mga ito.
“Hindi daw dapat nagpapatayan, nagi-engkuwentro ang parehong ideolohiya. At sabi niya, sana ito na ang huling misencounter sa kaniyang termino,” ani Roque. Nais din umano ng pangulo na kausapin ang siyam na pulis na sangkot sa insidente ng pamamaril.
Ayon naman sa Philippine Army, rubout aniya ang nangyari at pinaratangan nito ang inilabas na ulat ng mga pulis na “fabricated, inaccurate at misleading”.
Para kay Col. Ramon Zagala, Philippine Army spokesman, ipinagbigay-alam ang spot report sa media isang oras matapos ang nangyaring patayan sa Barangay Walled City, Jolo, Sulu.
“If you claim to have killed suspected armed men, why did you leave? Isn’t that already a score for you? So that means, they knew they were military (Kung sinasabi mong pumatay ka ng mga suspek na army, bakit ka umalis? Hindi ba ito kahina-hinala? Ibig sabihin, kilala nilang militar sila),” ani Zagala.
Iginiit ng militar na walang shootout na naganap dahil hindi umano nagpaputok ang mga sundalo.
Buo naman ang tindig ng Philippine National Police (PNP) na “misencounter” ang naganap bagama’t pinabulaanan ito ng militar at itinuring na “murder” ang pangyayari.