DSWD, nagtalaga ng 6 payment partners para sa distribusyon ng SAP

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Larawan mula sa: RCBC

Nakipag-partner ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa anim na financial service providers (FSP) para sa distribusyon ng ayuda sa ilalim ng social amelioration program (SAP).

Ayon kay Social Welfare Secretary Rolando Bautista, naglabas ng listahan ang  Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng mga service providers na may kapasidad para tugunan ang pag-implementa ng financial assistance para sa mga SAP beneficiaries sa buong bansa.

Naglagda ng multilateral memorandum of agreement ang ahensya kasama ang Land Bank of the Philippines at ang mga FSPs na: GCash, Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC), Robinson’s Bank, PayMaya, at Starpay noong Hunyo 30 para sa ikalawang bugso ng SAP.

Ibinalita rin ni Bautista na nakumpleto na ang pamamahagi sa 9,391 waitlisted na mga pamilya sa halagang P52 milyon.

Dahil sa karamihan ng mga benepisyaryo ay matatagpuan sa geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA), kinailangan umano ang tulong ng pulis at militar para sa transportasyon at seguridad.

Samantala, sa isang pahayag, sinabi ni RCBC Executive Vice President Lito Villanueva na gagamitin nila ang kanilang disbursement platform na “DiskarTech Lite” para sa pamamahagi ng ayuda.

Natakda silang mamahagi ng tinatayang nasa P4.6 bilyong emergency cash subsidy sa halos 800,000 na mga benepisyrayong tinukoy ng DSWD sa Pangasinan, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Batangas, Cavite, Laguna, Albay at Cebu.

RCBC has made sure that the DiskarTech Lite platform will be easily accessible to all the recipients. The process has especially been designed to be easy and safe for the benefit of the people and the government (Tiniyak ng RCBC na madaling magagamit ng mga benepisyaryo ang DiskarTech Lite platform. Ginawa ito para maging madali at ligtas gamitin ng mga tao at ng pamahalaan),” ani Villanueva.

Ang mga kwalipikadong benepisyaryo na kabahagi ng DiskarTech Lite ay makatatangap ng text sa mga rehistradong cellphone numbers, para mabigyan sila ng Beneficiary Reference Number (BRN) at maipagbigay-alam ang petsa at naka-assign na payout partner branch.

Nakipag-partner naman ang DiskarTech Lite sa Bayad Center, mga rural banks, mga kooperatiba, pawnshops, lending center, microfinance institutions at iba pang small to medium enterprises upang mas madaling maipaabot ang subsidiya sa mga benepisyaryo.

Ang mga tatanggap naman ay kailangang magdala ng kanilang mga registered cellphones at ipresenta ang kanilang BRN kasama na ang accomplished social amelioration card at valid ID, barangay certificate, o certificate of no valid ID para matanggap ang ayuda.

Maniningil naman ng minimal cash out fee ang mga FSPs alinsunod sa kautusan ng DSWD.

LATEST

LATEST

TRENDING