Bagong iskema ng DOH sa data extraction time, “nagpabagal” sa pag-akyat ng Covid-19 cases

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
DOH Spokesperson Ma. Rosario Vergeire

Nasa 38,805 na ang bilang ng mga nagpositibo sa Covid-19 sa bansa, matapos maitala ng Department of Health (DOH) ang 294 na karagdagang mga kaso.

Ito ang pinakamababang pag-akyat ng mga kaso simula Hunyo 5, kung saan naitala ng mga health officials ang 244 infections.

Nonng Hulyo 2, sinabi ng ahensya na 52 sa mga bagong impeksyon ay “fresh” cases o mga na-detect sa nakalipas na tatlong araw, habang 242 naman ay kabahagi ng validation backlog.

Gayunpaman, ang pagbaba sa bilang ng mga karagdagang kaso ay hindi umano  nangangahulugang bumabagal ang transmisyon ng coronavirus sa bansa ayon sa DOH. Marahil ito ay dahil umano sa pagbabago ng data extraction time.

Sa isang virtual media briefing, ipinahayag ni DOH Spokesperson Ma. Rosario Vergeire na binawasan ang data extraction time sa 19 oras, mula sa dating 24 oras, para mabigyan ng mas maraming panahon ang epidemiology bureau na suriing mabuti ang inilabas na datos.

Gayunpaman, pansamantalang adjustment lamang aniya ito, at makakaasa ang publiko na magiging komprehensibo at sakto sa oras ang ilalabas na mga ulat ng departamento sa mga susunod na araw.

Sa kabuuang datos ng mga impeksyon sa bansa, 3,390 o tinatayang 9 porsyento ay mga healthcare workers, ayon sa DOH. 2,585 naman sa mga ito ay gumaling na, habang 34 naman ang nasawi.

Sa mga nagsipag-uwiang OFWs naman, 2,739 ang nagpositibo sa pag-uumpisa ng buwan, kabilang ang isang nasawi at 1,690 na gumaling.

Ayon naman sa Department of Foreign Affairs (DFA), nasa 8,614 ang kabuuang tala ng mga OFWs na nagka-Covid-19 sa ibang bansa. 17 naman ang bagong nadagdag sa bilang ng mga gumaling para sa kabuuang 5,148, habang pito naman ang nadagdag sa mga nasawi para sa kabuuang 561.

LATEST

LATEST

TRENDING