Nanawagan si UN High Commissioner for Human Rights Michelle Bachelet kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag ipagpatuloy ang paglagda sa kontrobersyal na anti-terrorism bill, dahil palalabuin lamang aniya nito ang pagkakaiba ng kritisismo, kriminalidad, at terorismo.
Umapela si Bachelet kay Duterte noong idinaos ang ika-44 na regular session ng UN Human Rights Council noong Hunyo 30.
Ayon sa Human Rights chief, ang naturang panukalang batas ay magdudulot ng “chilling effect” para sa mga karapatang pantao.
Maaari rin aniyang maapektuhan ng bill ang humanitarian work, at magresulta ito sa pagkawala ng tulong para sa mga bulnerable at mahihirap na sektor ng lipunan.
“So I would urge the President to refrain from signing the law and to initiate the broad-based consultation process to draft legislation that can effectively prevent and counter violent extremism, but which contains some safeguards to prevent this misuse against people engaged in peaceful criticism and advocacy (Kaya nakikiusap ako sa pangulo na huwag pirmahan ang bill at sa halip ay maglunsad ng mga konsultasyon tungkol sa pagbalangkas ng panukalang epektibong malulutas ang ekstremismo, nang hindi natatapakan ang mga mapayapang pumupuna o naglulunsad ng adbokasiya),” ani Bachelet.
Dagdag pa niya, “And of course my office is ready to assist in such a review (Nakahanda rin ang aming tanggapang magpaabot ng tulong sa pag-review)”.
Ang Anti-terror bill ay naglalayong palitan ang naunang Human Security Act of 2007 (HSA) at parusahan ang mga gagawa ng mga aksyong may kinalaman sa terorismo; kabilang na ang pagbibigay ng materyal na suporta sa mga terorista, at pagre-recruit ng mga miyrembro sa mga organisasyong terorista.
Ang mga awtor ng bill, partikular na si Senador Panfilo Lacson, ay walang habas na dumipensa sa panukalang batas at iginiit na may karampatang proteksyon ito mula sa mga posibleng pang-aabuso.
Gayunpaman, naging malawakan ang pagtutol sa bill mula sa iba’t-ibang grupo na nagpahayag ng pangamba dahil maaari umano itong magdulot ng pag-abuso sa karapatang pantao at maging banta sa malayang pamamahayag.