Muli na namang ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte, noong Hunyo 30, si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III tungkol sa mga panibagong pambabatikos sa mga ipinapatupad na hakbang ng pamahalaan kontra Covid-19.
Sa kanyang public address, iginiit ng pangulo na hindi niya itatalaga si Duque bilang pinuno ng DOH kung wala umano itong kakayanang mamuno.
Aniya, “Nakita ko to si Secretary Duque in the many meeting we had. Nakita ko siyang nagtatrabaho. Nagtatrabaho ‘yung tao”.
Ayon kay Duterte, walang ni isang bansa aniya ang naging handa sa pagresponde sa Covid-19 pandemic.
“Hindi natin akalain in 2 days time after warning given by the WHO (World Health Organization), it is a virulent, fast-moving microbe and we were all advised to take precautions (isa itong mikrobyong mabilis lumaganap at pinayuhan kaming mag-ingat),” ani Duterte.
Samantala, nagpatupad naman ng imbestigasyon ang Office of the Ombudsman tungkol sa mga anomalyang kinasasangkutan ng DOH hinggil sa Covid-19 response.
Ilan sa mga iniimbestigahan ay ang pagkaantala sa procurement of personal protective equipment at iba pang medical gear para sa health workers; “pagkukulang at iregularidad” umano na nagdulot ng pagkamatay sa ilang health workers; delay sa pagproseso ng benepisyo para sa mga health workers na malubhang timaan o nasawi dahil sa Covid-19; at ang nakakalitong pamamaraan ng ahensya sa pag-uulat tungkol sa datos ng Covid-19.