Malacañang, ipinaliwanag ang pagpapanatili sa estado ng quarantine sa Cebu City at Metro Manila

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Ipinaliwanag ng Malacañang noong Hulyo 1 ang rason kung bakit pinanatili ang klasipikasyon ng community quarantine sa Cebu City at Metro Manila hanggang Hulyo 15.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pinanatili ang Lungsod ng Cebu sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa mataas na Covid-19 positivity rate na 30% at gayundin ang death rate na katumbas umano ng national average.

Itinuring ng pamahalaan bilang  Covid-19 hot spot ang Cebu City. Noong Hunyo 30, nakapagtala ang lungsod na 353 na mga panibagong impeksyon, ang pinakamataas na bilang sa isang araw para sa kabuuang 5,494. 169 naman ang mga naitalang nasawi.

Samantala, umiiral pa rin ang general community quarantine (GCQ) sa Kalakhang Maynila simula nang ipatupad ito noong Hunyo 1. Ayon kay Roque, hindi pinayagan ang pagpapagaan sa Kamaynilaan patungo sa modified general community quarantine (MGCQ) dahil pitong araw pa rin ang itinatagal ng pagdoble ng mga kaso sa rehiyon. Dapat aniyang maging sampung araw ang case doubling rate bago paluwagin ang klasipikasyon ng National Capital Region (NCR) sa MGCQ.

Naunang iginiit naman ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III na dapat isailalim sa MGCQ ang economic centers ng bansa — Metro Manila at Calabarzon— sa lalong madaling panahon upang maibangon muli ang ekonomiyang naparalisa dahil sa pandemiya.

Nanawagan din ang kalihim para sa targeted lockdown ng mga barangay at kumpanya na may matataas na bilang ng Covid-19 infections.

Wika ni Roque,  “We are entering a new phase now, it’s a realization that we need to proceed with opening up the economy for people to literally survive and not just die from the disease (Nagtutungo tayo ngayon sa isang bagong kabanata, isa itong paalala na kinakailangang buksan ang ekonomiya upang literal na mabuhay ang mga tao at hindi lamang mamatay dahil sa sakit).”

And in order to do that, we need to improve testing capacity to bolster the confidence of workers to go back to work. We need to trace, we need to treat, we need to have behavioral changes and of course the transport sector should be opened (at para mangyari ito, kailangan nating paigtingin ang testing capacity para magkaroon ng kumpiyansa ang mga manggagawang bumalik sa trabaho. Kailangan nating mag-trace, manggamot, magkaroon ng pagbabago sa ugali, at ibalik ang pampublikong transportasyon),” dagdag pa ng tagapagsalita ng pangulo.

LATEST