Duterte, wala pa ring aksyon sa Anti-terror bill

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Nananatiling nakabinbin sa mesa ng pangulo ang Anti-terror bill, ilang araw bago ito maging ganap na batas.

Bagama’t kumalap ang Malacañang ng kaliwa’t-kanang opinyon tungkol sa panukalang batas, ipinahayag Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi pa rin ito inaaksyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

 “Wala pa po,” ani Roque. “Let’s wait (Maghintay tayo),” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng Saligang Batas, maaaring pirmahan o di kaya ay i-veto ng pangulo ang isinumiteng enrolled bill mula sa Kongreso. Kung hindi naman ito aaksyunan, maisasabatas pa rin ito sa paglipas ng 30 araw mula sa pagkatanggap ng Malacañang.

Sa kaso ng Anti-terror bill, sa Hunyo 9 na ang natakdang huling araw bago ito maging ganap na batas.

Pinaulanan naman ng batikos ang naturang bill sa kaparehong rason ng pagtuligsa sa naunang batas na Human Security Act (HSA) of 2007, na ipinasa noong administrasyong Arroyo.

Sa HSA, naglagay ang mga mambabatas ng proteksyon kontra paglabag sa karapatang pantao sa pamamagitan ng pagpataw ng P500,000 na penalty sa bawat araw ng iligal na pagkakakulong ng isang detainee.

Ito ay tinanggal naman sa bagong panukalang batas, dahil nakakabawas lang aniya ito sa pagiging epektibo ng palisiya. Pinabulaanan naman ito ng mga kritiko at sinabing mas mapapalaki lamang nito ang tsansa ng pag-abuso kung malalagay sa maling kamay ng pulis at militar ang implementasyon nito.

May ilang kwestiyonableng probisyon sa bill kabilang na ang 24-day jail term para sa mga sinususpetsahang terorista nang walang kaso. Hindi pa rin malinaw ang kapangyarihan umano ng Anti-Terrorism Council.

May karampatang proteksyon naman aniya ang bill laban sa mga posibleng pag-abuso ayon sa mga tagasuporta nito.

Subalit, iginiit naman ni retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na posibleng maging iba-iba ang interpretastyon ng mga kwestiyonableng probisyon.

Hindi pa tiyak kung ano ang magiging hakbang ni Duterte tungkol sa inihaing panukalang batas.

Gayunpaman, nakahanda na umano ang National Union of People’s Lawyers para kwestyunin ang konstitusyonalidad ng Anti-terror law sa Korte Suprema.

LATEST

LATEST

TRENDING