Nabahala ang ilang mga senador noong Hunyo 28 dahil sa pag-akyat ng bilang sa mga kaso ng Covid-19 sa bansa sa nagdaang mga araw. Sinabi rin ng ilang mga mambabatas na kinakailangang mas paigtingin pa ng pamahalaan ang pagsugpo nito sa coronavirus.
Ito ay matapos ilabas ng World Health Organization (WHO) ang datos na nagpapakitang ang Pilipinas ang may pinakamataas na pag-akyat ng Covid-19 cases sa Western Pacific region sa nakalipas na dalawang linggo.
Ayon sa datos ng WHO, bagama’t ikatlo lang ang Pilipinas sa China at Singapore sa bilang ng mga kaso, nakapagdagdag naman ang bansa ng halos 10,000 na mga panibagong kaso sa mula Hunyo 14 hanggang 28. Ito ay mas malaki sa di hihigit na 3,000 na mga panibagong kasong naidagdag sa Singapore sa parehong panahon.
“Something is very wrong! I think it’s the delay in actions and responses. That includes contact tracing and aggressive research on medications (May malubhang kamalian! Sa tingin ko ito ay ang pagkaantala sa mga ginagawang hakbang at pagresponde. Kabilang dito ang contact tracing at agresibong pagsasaliksik sa mga gamot),” ani Senate President Tito Sotto.
Ayon naman kay Senador Joel Villanueva, nawala ang pokus ng pamahalaan sa mga nagdaang linggo sa pangunahing prayoridad nito na tugunan ang pagpigil sa paglaganap ng coronavirus.
Aniya, “We reopened the economy drastically, even for the non-essential sectors like POGO (Philippine Offshore Gaming Operations). We did not prohibit malls from extending their operating hours. We terminated social assistance, sent people back to work even without sufficient modes of public transportation (Mabilis nating binuksan ang ekonomiya kahit sa mga hindi esensyal na sektor tulad ng POGO. Hindi natin pinigilan ang mga mall na mag-extend ng operating hours. Pinutol natin ang ayuda, at pinahintulutan ang mga taong bumaliksa trabaho kahit walang pampublikong transportasyon)”.
“There was no clear guidance on (Walang mailnaw na patnubay sa) surveillance and epidemiological monitoring,” dagdag pa ng senador.
Batay sa datos ng WHO, Pilipinas ang may “worst pandemic response”, ayon naman kay Senador Kiko Pangilinan.
“This should be embarrassing to our neighbors, but it is more embarrassing to our fellow countrymen, to the doctors, nurses, and medical technologists, and to all who have sacrificed and are sacrificing their lives to fight this disease. To all who have complied and are complying with the various and oftentimes confusing guidelines, like work resumption but without public transport (Nakakahiya ito sa ating mga karatig-bansa, mas lalo na sa ating mga kababayan, mga doktor, nurses, at medical technologists, at sa lahat ng mga nagsakripisyo at patuloy na nagsasakripisyo ng kanilang buhay para labanan ang sakit na ito. Sa lahat na rin ng mga sumunod sa napakarami at nakalilitong mga panuntunan katulad sa pagbabalik-trabaho kahit walang masakyan),” pahayag ni Pangilinan.
Iginiit naman ni Senador Bong Go na kailangang mas pagbutihin ng gobyerno ang estratehiya nito kontra Covid-19.
“Bilang chair ng Senate Committee on Health, patuloy ang aking panawagan na pagbutihin pa lalo ng gobyerno ang kanyang Test, Trace and Treat strategy. Habang tumataas ang kaso ng COVID-19, mas tumataas rin dapat ang quarantine, contact tracing, at necessary treatment capabilities natin,” wika ni Go.
Nanawagan naman ito sa agarang pagpasa ng Bayanihan to Recover as One bill.