Papatawan na ng import taxes ang mga protective gear kagaya ng masks at coveralls, pati na rin ang mga medical tools na ginagamitin sa pagresponde kontra Covid-19, ayon sa Bureau of Customs (BOC).
Mabubuwisan na ang mga personal protective equipment at iba pang medical emergency supplies para sa Covid-19 response sa pagtatapos ng Bayanihan to Heal as One Act noong Hunyo 24.
Ang Republic Act 11469 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso ay nagdeklara ng national emergency dahil sa pananalasa ng Covid-19 upang mas mapabilis ang procurement ng medical items na gagamitin sa laban kontra Covid-19.
Sa ilalim ng batas, tinanggal ang pagpapataw sa mga PPE katulad ng gloves, goggles, face shields, laboratory at surgical equipment, alcohol, sanitizers, thermometers, sabon, at COVID-19 test kits mula sa import duties, taxes, at fees sa loob ng tatlong buwan.
Pinahintulutan din ang mga imported medical equipment na dumaan sa mga pantalan kahit walang pinepresentang papeles mula sa Food and Drug Administration (FDA) upang mas mapabilis ang pamamahagi nito. Ang mga imported health products din na pinamigay bilang donasyon ay pinayagan din kahit walang clearance.
“Following the expiration of the said guidelines, the public is advised to pay the required duties and taxes for imports of personal protective equipment (PPE) and other medical emergency supplies beginning June 25, 2020 (Alinsunod sa expirataion ng mga nasabing panuntunan, inaabisuhan ang publiko na magbayad ng karampatang duties at buwis para sa mga imported na PPE at iba pang medical emergency supplies simula Hunyo 25, 2020),” ayon sa advisory ng Customs noong Hunyo 27.
Naiulat ang kakulangan ng protective gears sa buong mundo habang ang karamihan ng mga bansa ay nagsasagawa ng stockpiling habang patuloy na nilalabanan ang banta ng Covid-19.
Kasakuluyang nakikipag-ugnayan ang administrasyong Duterte sa mga mambabatas tungkol sa posibilidad ng pagtawag ng isang special session sa Kamara para ipasa ang bill na magpapalawig sa emergency powers na iginawad sa pangulo para sa Covid-19 response.