Hindi na papayagan ng pamahalaan ang sinumang magpopositibo sa Covid-19 sa Lungsod ng Cebu na mag home quarantine.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, ang mga magpopositibo sa nakamamatay na sakit ay dadalhin na sa mga opisyal na quarantine facilities upang mapigilan ang lalo pang pagkalat ng coronavirus.
“Pag naka-home quarantine yan, maraming violation yan at hindi talaga yan maipapatupad nang maayos. Dapat talaga i-extract mo ang lahat ng positive, ilagay natin [sa] isolation facility,” giit ni Año.
Sinabi ni Año, na miyembro rin ng Inter-Agency Task Force for the Mitigation of Emerging Infectious Diseases (IATF), na ipatutupad ang hakbang sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaang lokal ng Cebu City.
Ito ay upang matiyak na makaka-“graduate” na aniya ang Lungsod ng Cebu mula sa enhanced community quarantine (ECQ).
Wika ng kalihim, “In two weeks time ay mapapa-graduate natin ang Cebu at mapaganda natin yung situation d’yan if everyone will cooperate”.
Ang dahilan kung bakit Cebu City ang may pinakamaraming Covid-19 cases sa lahat ng lungsod at munisipalidad ay dahil umano sa hindi maayos na pagpapatupad ng prootocols.
“Nagkaroon sila ng isang priority sana na buksan ang economy pero at the end ay dumami yung movement at dumami rin yung contamination,” pahayag ni Año.