UV Express, balik-pasada na sa Metro Manila

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Michael Vargas (Philstar)

Nagbalik-operasyon na ang mga UV Express vans noong Lunes, Hunyo 29, matapos magtigil-pasada ng halos tatlong buwan dahil sa pananalasa ng Covid-19 pandemic.

Tinatayang nasa 6 percent o 980 drivers sa kabuuang 15,000 sa Kalakhang Maynila ang pinahintulutang magbalik-operasyon, ayon kay Coalition of Operator and Drivers of UV Express (CODEX) president Lino Marable. 

Gayunpaman, kalahating kapasidad lamang ang pinapayagan na nangangahulugang 10,000 na mga pasahero lamang ang maisasakay sa mga UV Express. Mas mababa ito sa dating 300,000 commuters bago ipatupad ang lockdown noong Marso.

Dahil sa bawas na kapasidad, mas maliit din ang kikitain ng mga drayber kumpara sa P500 hanggang P1,000 bago ipatupad ang lockdown.

“With 50 percent capacity na lang, baka mag-break even kami o minsan pa e matalo… Kung kumita man siguro e baka pang isang kilong bigas na lang,” ani Marable.

Gumastos din ng P3,000 ang bawat drayber sa paglalagay ng mga plastic barriers sa loob ng mga sasakyan; pagbili ng rubbing alcohol, masks at thermal scanners; at pagbibigay ng forms sa mga pasahero para sa contact-tracing. 

Nanawagan naman si Marable sa pamahalaan na muling payagan ang mas maraming drayber na magbalik-pasada o di kaya ay tulungan ang mga ito sa pamamagitan ng sabsidiya o pagtanggal ng value-added tax sa gasolina.

Hinikayat din niya ang mga commuters na magbigay ng tip sa mga drayber kung kaya.

Aniya, “Alam naman nila na ‘pag kaunti ang pasahero e baka malugi kami at hindi namin patuloy na matustusan ang operation ng aming UV Express”.

LATEST