Ika-14 na ulat ni Duterte sa Kamara, inaasahan sa Lunes, Hunyo 29

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Nakatakdang magsumite si Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang ika-14 na lingguhang ulat sa Kamara sa Lunes, Hunyo 29.

Inaasahan ang pagdating ng ulat ilang araw matapos magwakas ang pagiging epektibo ng Bayanihan Heal As One Act noong Hunyo 25.

Ang Bayanihan Act ay nagbigay ng kapangyarihan sa pangulo na maglipat ng pondo mula sa mga ahensya upang mas mapabilis ang pagtugon sa laban kontra Covid-19.

Isa sa mga probisyon ng naturang batas ay ang pagbibigay ng ₱5,000 hanggang ₱8,000 na ayudang pinansyal sa 18 milyong kapos-palad na pamilya sa loob ng dalawang buwan. Nakapaloob din sa batas ang pagbibigay-benepisyo sa mga health workers na malubhang tinamaan o di kaya ay nasawi dahil sa Covid-19.

Sa kanyang huling ulat, tinalakay ng pangulo ang mga isyung bumabalot sa transportasyon at sa pagkaantala sa distribusyon ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), natapos na noong nakaraang linggo ang distribusyon sa unang alon ng SAP. Sa ikalawang bugso naman, 1.3 milyong benepisyaryo na ang nakatatanggap ng ayuda.

Bagama’t nagwakas na ang Bayanihan Act, hindi naman nito maaapektuhan ang SAP distribution, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

It’s a physical act of disbursing what has been allotted by Congress (Binibigay lamang natin ang inilaang pondo ng Kongreso), so wala pong problema ‘yan,” ani Roque.

Ipinagpatuloy ni Duterte ang pag-iral ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila hanggang Hunyo 30 habang ibinalik naman niya ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Lungsod ng Cebu matapos ang pag-akyat sa bilang mga mga Covid-19 cases dito.

Dahil dito, itinalaga ng pangulo si Environment Secretary Roy Cimatu upang pangasiwaan ang mga ipinatutupad na hakbang kontra Covid-19 sa lungsod.

Bukod sa pagsusumite ng ulat, inaasahan din ang pag-aanunsyo ni Duterte sa publiko tungkol sa mga magiging bagong panuntunan ng community quarantine sa buong bansa sa Lunes, Hunyo 29.

LATEST

LATEST

TRENDING