Buo ang tiwala ng Department of Health (DOH) na maaabot nito ang itinakdang target na 1 milyong Covid-19 tests sa susunod na buwan.
“Na-expand na natin ang protocol, we are seeing na maa-attain na natin ang 1 million na ito pagdating ng end of July,” giit ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Kahabagi ito ng pagpapalawig ng testing protocol para matest din ang iba pang mga subgroups maliban sa mga medical frontliners.
Kabilang sa mga subgroups na ito ang mga tauhan sa quarantine facilities; mga barangay health emergency workers; mga manggagawa ng Bureau of Corrections at Bureau of Jail Management and Penology; at mga social workers.
Nagbabalak din ang pamahalaan na ipabilang sa testing ang mga may sakit, mga preso, at mga dumaraan sa dialysis, chemotherapy, at radiotherapy.
Ayon kay Vergeire, lagpas na sa 600,00 ang naisagawang Covid-19 tests sa bansa simula noong nag-umpisang manalasa ang pandemiya.
Paglilinaw niya, “hindi naman natin sinasabi na mass teting na ‘yung ginagawa natin. This is still expanded testing, binabatay natin ‘yan sa mga high-risk groups na ating pina-prioritize for testing”.
Naunang sinabi ng pamahalaan na nais nitong itest ang katumabas sa 2% ng kabuuang populasyon o halos dalawang milyong katao. Nabanggit din ni Vince Dizon, deputy chief implementer ng pagtugon ng pamahalaan sa Covid-19, na nakarating na sa bansa ang isang milyong Covid-19 test kits noong Hunyo 21.
Ang mga ito ay ilalaan batay sa alokasyong ginawa ng DOH, antas ng pangangailangan, at bilang ng populasyon sa bawat rehiyons.
“May special focus tayo sa mga areas na medyo tumataas ang kaso para mas makapag-test sila ng kanilang communities,” ani Vergeire.
Ayon sa tala ng ahensya noong Hunyo 26, pumalo na sa 34,073 ang kabuuang kaso ng mga nagpopositibo sa Covid-19 sa bansa. Sa bilang na ito, 1,224 na ang nasawi habang 9,182 naman ang gumaling.