
Batay sa huling mga ebidensya, hindi makakapanghawa ang mga asymptomatic Covid-19 patients sa iba pang mga tao sampung araw matapos silang magpositibo sa coronavirus, ayon sa Department of Health (DOH).
Alinsunod sa payo ng mga eksperto base sa impormasyong ito, nag-update ng protocol ang DOH upang magpahintulot sa mga doktor na pauwiin ang mga Asymptomatic Covid-19 patients matapos ang nabanggit na panahon.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, “Lumabas na ang articles and evidence na sinasabing ang pasiyenteng na-confirm na positive, pagdating ng ika-sampung araw from the onset of symptoms, or diagnosis, they are already non-infectious. “
Isang kaparehong criteria ang inilathala ng World Health Organization (WHO) sa website nito.
Naunang nirequire ng DOH na kailangang magnegatibo muna nang dalawang beses sa Covid-19 ang pasyente at dapat 24 oras ang pagitan ng mga nakuhang sample.
Subalit, sinabi ni Vergeire batay sa mga pag-aaral na walang kakayanan makatukoy kung nakakahawa ba o hindi ang pasyente ayon sa reverse transcription-polymerase chain reaction or RT-PCR test na siyang “gold standard” sa Covid-19 testing.
Aniya, “’Di naman sasabihin ng RT-PCR sa iyo kung ang tao ay nakaka-panghawa o hindi na. Ang sasabihin lang sa iyo ng RT-PCR na-de-detect ko lang ang virus sa katawan mo,”.
Dahil dito, pinag-aaralan ng ahensya ang pagpapaikli ng panahon ng mandatory quarantine.
“Atin pong pinag-aaralan ngayon kung saka-sakaling ito pong additional 14 days pagkatapos niyo ma-discharge sa ospital o di kaya’y quarantine facility at kayo ay kailangan mag-quarantine pa sa inyong bahay o sa step-down facilities kung mababawasan pa natin into just seven days,” ani Vergeire.
Sa kasalukuyan, halos isang buwan muna ang itatagal bago ikonsiderang magaling na ang isang pasyenteng nagpositibo sa Covid-19 sapagkat kinakailangan nitong makumpleto ang 14 araw na karagdagang quarantine sa bahay matapos sumailalim sa mandatory quarantine sa Covid-19 facility nang dalawang linggo.