Bagama’t wala nang epekto ang Bayanihan to Heal As One Act, ipagpapatuloy pa rin ang pamamahagi ng ayudang pinansyal sa mga mahihirap na Pilipino, ayon sa Malacañang.
“Sa ngayon naman po walang epekto. Ang SAP (social amelioration program) distribution po ay nakalaan na po yan for distribution, hindi naman po sakop yan ng Bayanihan Act,” paglilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Dagdag pa nito, “It’s a physical act of disbursing what has been allotted by Congress (Ipinamamahagi lang namin ang inilaan ng Kongreso), so wala pong problema ‘yan.”
Samantala, sinabi naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakumpleto na nito ang distribusyon sa unang alon ng SAP makalipas ang dalawang buwan.
Iginiit naman ni Roque na hindi na kailangang magkaroon ng emergency buying ng mga personal protective equipment (PPE) at test kits dahil may sapat na suplay naman aniya nito.
Ang Bayanihan to Heal As One Act, na isinabatas noong Marso upang magbigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagresponde sa pandemiya, ay nagtapos na noong Hunyo 24.
Gayunpaman, hindi sinertipikahang “urgent” ni Duterte ang ikalawang Bayanihan bill na naglalayong palawigin ang kanyang emergency powers nang tatlo pang buwan para magamit sa pagtugon sa Covid-19 krisis.
Ang Senate Bill 1546 o ang Bayanihan We Recover As One bill ay naglaan ng ₱140 bilyon para sa iba’t-ibang programa katulad ng sabsidiya para sa mga apektadong sektor hanggang Setyembre 30.
Sa Mababang Kapulungan, naghain rin ng parehong panukala si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez noong Mayo 26.