Mahigpit na lockdown, ipinatupad sa Covid-19 “hotspots” ng Cebu City

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Larawan mula kay: Cebu City Quarantine Center (CCQC) Administrator Yvonne Feliciano

Inilunsad ang targeted lockdown sa ilang mga barangay sa Lungsod ng Cebu upang mapigilan ang paglaganap ng Covid-19, ayon sa itinalagang overseer ng Interagency Task Force (IATF) sa Cebu City na si Environment Secretary Roy Cimatu.

Ang mga barangay na kabilang sa “hotspots” dahil sa mataas na bilang ng mga kaso ng Covid-19 ay ang:

-Sambag Dos

-Kamputhaw

-Sambag Uno

-Basak San Nicolas

-Mabolo

-Guadalupe

-Lahug

-Duljo

-Tinago

-Tisa

-Ermita

-Tejero

Ayon kay Cimatu, makikipagpulong ito sa mga kapitan ng mga nasabing barangay upang ipaliwanag ang pagtaas ng mga kaso sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Kasalukuyang nasa enhanced community quarantine (ECQ) ang lungsod hanggang Hunyo 30. Nakapagtala ito ng 4,216 infections noong Hunyo 24, ang pinakamalala sa buong bansa.

Samantala, sinabi naman  ni Cebu City Mayor Edgardo Labella na striktong ipapamahagi ang mga bagong quarantine passes matapos ipawalang-bisa ang mga naunang 250,000 permits.

Hindi na maaaring lumabas ang mga residente na walang quarantine pass. Tanging mga manggagawa lamang na nagtatrabaho sa essential services ang papahintulutang makaalis ng bahay.

Sa bagong panuntunan, isang pass lamang ang ibibigay sa bawat tahanan na maaaring gamitin sa paglabas ng bahay upang makabili ng mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain at gamot.

Posible rin aniyang magsagawa ng market schedule.

Binanggit naman ni Cimatu na ang mga ipinatutupad ng mga awtoridad sa lungsod ay kapareho ng mga ipinatupad sa Metro Manila noong ito’y nasa ECQ.

Mahigit 160 Philippine National Police-Special Action Force commandos at 200 police personnel ang na-deploy sa Cebu City upang tumulong sa pagtiyak na susundin ng mga residente ang stay-at-home rules at health guidelines.

Nire-require naman ang lahat ng punong barangay na maglunsad ng border controls upang malimitahan ang pagpasok ng mga tao.

Batay sa memorandum na inilabas ng gobernador, lahat ng mga residente ng barangay ay sasailalim sa health protocols bago makapasok, kabilang ang mga locally stranded individuals, overseas Filipino workers, at iba pang pinapahintulutang tao batay sa IATF resolutions at executive orders ng gobernador.

Ayon naman kay Covid-19 Task Force Chief Implementer Carlito Galvez, may posibilidad na palawigin ang mahigpit na quarantine sa buong lalawigan ng Cebu.

Aniya, “Nakikita natin ganun ang gagawin natin. That’s why ang instruction ni Secretary (Eduardo) Año ay paigtingin yung stringent protocols”.

“Nakita po natin na medyo kulang yung awareness ng mga tao sa minimum health standards. Yung participation ng public ay importante talaga,” dagdag pa niya.

Naunang sinabi ng pamahalaang nasyonal na malapit na sa “delikadong lebel” ang critical care capacity ng lungsod habang nagkakaubusan na ng mga higaan para sa mga pasyente ng Covid-19.

LATEST

LATEST

TRENDING