Naalarma si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nangyaring maritime incidents sa South China Sea habang nasa kalagitnaan ng Covid-19 krisis.
“Even as the region struggles to contain COVID-19, alarming incidents in South China Sea occurred (Habang patuloy ang paglaban ng rehiyon sa Covid-19, nangyari ang mga nakakaalarmang insidente sa Dagat Timog Tsina),” ani Duterte sa kanyang video message na kabahagi ng 36th Association of Southeast Asian Nations Summit noong Hunyo 26.
Hindi naman nagbigay ng detalye si Duterte, na malapit na kaibigan ng Tsina. Gayunpaman, nanawagan siya sa sa buong ASEAN na “pahalagahan ang batas at iba pang mga kasunduang internasyunal kabilang na ang 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea”.
Nagtayo ng dalawang research stations at nakapagpalubog ng isang Vietnamese fishing boat ang Tsina sa Dagat Timong Tsina habang nasa kasagsagan ng pandemiya.
Nagprotesta naman ang Pilipinas sa pagdeklara ng Tsina ng dalawang bagong distrito na tinawag na Sansha City, na matatagpuan sa inaangking teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Nilagdaan ng ASEAN at Tsina ang isang non-binding declaration noong 2002. Subalit, itinutulak ng ASEAN na magpirma ang magkabilang panig ng legally binding na Code of Conduct, na maglalayong tiyakin ang mga hakbang ng magkabilang partido sa pinag-aagawang teritoryo.
Pinuna ng mga kritiko ang kawalan ng progreso sa mga pagpupulong para sa Code of Conduct dahil sa patuloy na tensyon sa Tsina.
Noong Setyembre 2019, inanunsyo naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin, Jr. na nakagawa na ng draft tungkol dito.
Gayunpaman, maliit lamang ang mga bagay na napagkasunduan at hindi pa rin aniya naresolba ang mga mahahalagang probisyon, ayon naman kay Gregory Poling, direktor ng Washington-based think tank na Asia Maritime Transparency Initiative.
Pilipinas ang country coordinator para sa ASEAN-China Dialogue Relations hanggang 2021.
Bukod sa Pilipinas at China, iginigiit din ng Taiwan, Vietnam, Malaysia, at Brunei ang mga karapatan nito sa Dagat Timog Tsina.
Sa kanyang talumpati sa ASEAN Summit, inamin ni Duterte na nahihirapan silang magtrabaho dahil sa ilang mga balakid, subalit idiniin pa ring patuloy ang negosasyon para sa Code of Conduct.
Sa ginanap na ASEAN-China Summit noong Nobyembre 2019, sinang-ayunan ng ASEAN ang iprenesentang three-year timeline ng Beijing, para sa inaasahang pagkumpleto sa Code of Conduct sa taong 2022.