Sec. Locsin kay Robredo: “Tama na ang reklamo”

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. (kaliwa) at Pangalawang Pangulo Leni Robredo (kanan)

Binanatan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. si Pangalawang Pangulo Leni Robredo matapos nitong kuwestyunin ang ginawang pag-deploy ng mga tangkeng militar sa mga lansangan ng Cebu City bilang pagpapaigting ng pamahalaan sa pagresponde nito sa Covid-19 pandemic.

Sa isang tweet, ipinaliwanag ni Locsin na kahit ang pamahalaan ng New Zealand aniya ay umasa sa tulong ng militar sa kanilang ipinatutupad na quarantine protocols.

Aniya, “Please stop complaining. Please. New Zealand has turned to the military as well. It is about getting things done at all and fast without civilian bungling especially those who wear white gowns (Pakiusap, itigil na ang reklamo. Sa New Zealand, umasa rin sila tulong ng militar. Tungkol ito sa pagpapabilis ng pagresponde nang hindi naaabala ang mga sibilyan lalo na ang mga health workers) . Please, please. Tama na ang reklamo”.

Naunang nagpahayag ng pangamba si Robredo na baka magdulot umano ng takot sa publiko ang pag-arangkada ng mga tangke sa lansangan ng Cebu City.

Bagama’t malaki raw ang naitulong ng militar kahit sa kanyang tanggapan, iginiit ni Robredo na dapat “public health approach” ang maging estratehiya ng pamahalaan sa pagtugon sa pandemiya.

Ibinalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ni Duterte ang Cebu City noong Hunyo 16 bunsod ng paglobo sa mga kaso ng Covid-19 sa lugar.

Ilang beses ding nakapagtala ang lungsod ng case doubling time na hindi tataas sa pitong araw, kasama na rin ang pag-akyat sa critical care utilization rate nito.

Dahil dito, itinalaga ng pangulo si Environment Secretary Roy Cimatu upang pangunahan ang mga isinasagawang hakbang ng Cebu City sa pagresponde kontra Covid-19.

Binigyan din ng kalayaan si Cimatu na hingin ang tulong ng militar.

LATEST

LATEST

TRENDING