Balik-pasada na ang mga UV Express at traditional jeepneys sa Metro Manila sa susunod na linggo, ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra III sa isang pagdinig sa Kamara.
Iginiit rin ni Delgra na bibigyan ng prayoridad ang mga sasakyang makakapagsakay ng maraming tao sa kalagitnaan ng Covid-19 pandemic.
Sa ilalim ng umiiral na general community quarantine (GCQ) sa Kalakhang Maynila at iba pang lugar, limitado lamang ang pinapahintulutang operasyon ng mga tren, bus, taxi, at ride-share services.
Sa parehong pagdinig sa Kamara, nanawagan naman si FEJODAP Chair Zenaida Maranan sa pamahalaan na linawin ang mga plano nito para sa mga tsuper at operators dahil nararamdaman nila aniya na binabalewala ang kanilang mga karapatan.
Idiniin ni Maranan na karamihan sa sektor ng jeepney ay hindi kayang bumuo ng mga kooperatiba o korporasyon alinsunod sa itinutulak na jeepney modernization program ng gobyerno.
Binanggit din niyang hindi kampante ang ilang mga operator na mabibigyan sila ng ruta.
Nagbabalak namang maghain ng panukalang batas si Senior Citizens Party List Rep. Francisco Datol na magbabalik-awtoridad sa Kongreso na maglabas ng prangkisa para sa mga public utility vehicles.
Kasalukuyang nasa LTFRB ang kapangyarihang makapagbigay ng nasabing prangkisa.