Malacañang, iginagalang ang pagbabasura ng quo warranto kontra ABS-CBN

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Basilio Sepe

Sinabi ng Malacañang noong Hunyo 22 na iginagalang nito ang kapasyahan ng Korte Suprema na ibasura ang petisyong quo warranto na inihain ni Solicitor General Jose Calida kontra ABS-CBN Corp noong Pebrero.

We respect the decision of the High Court, a separate and co-equal branch of government, on the quo warranto case filed against ABS-CBN Corporation (Iginagalang namin ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong quo waranto laban sa ABS-CBN Corporation),” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Inilabas ni Roque ang pahayag sa parehong araw na ibinasura ng Korte ang kahilingang i-revoke ang prangkisa ng ABS-CBN sapagkat “moot” na ang isyu bunsod ng pagwawakas sa prangkisa ng ABS-CBN noong Mayo 4.

Noong Pebrero, naghain si Calida ng quo warranto petition laban sa ABS-CBN, na naglalayong wakasan ang prangkisa ng ABS-CBN dahil sa mga paglabag aniya sa mga inilatag na kondisyon ng Kongreso tungkol sa 25-taong operasyon ng mga pag-aaring istasyon ng radyo at telebisyon nito.

Iginiit ni Calida na pinahintulutan umano ng network ang panghihimasok ng mga banyaga upang mag may-ari ng isang mass media entity sa Pilipinas – isang tahasang paglabag sa Konstitusyon.

Inakusahan din nitong hindi inaprubahan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang paglunsad ng network sa TV Plus subscription service at KBO Channel.

Natuldukan na ang prangkisa ng ABS-CBN noong Mayo 4 matapos hindi makapagpasa ng panibagong prangkisa ang Kamara. Simula Mayo 5, naglaho sa ere ang netwrok nang maglabas ng cease and desist order ang NTC para sa pagpapatigil-operasyon ng ABS-CBN.

Mariing iginiit naman ng ABS-CBN sa iba’t-ibang pagkakataon na wala itong ginawang paglabag. Noong Mayo 7, naghain ng reklamo ang ABS-CBN sa Korte Supreme upang baliktarin ang cease and desist order ng NTC dahil pag-abuso aniya ito sa kapangyarihan ng ahensya.

Nananatiling nakabinbin naman ang mga bills na magbibigay ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN sa Kamara.

Gayunpaman, idiniin ng Malacañang na hindi ive-veto ng pangulo ang franchise bill para sa ABC-CBN kung sakaling maipapasa ito ng Kamara.

LATEST

LATEST