Malacañang: Emergency powers ng pangulo, kailangang palawigin

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Kailangan pa aniyang ipagpatuloy ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggamit ng emergency powers sa pagtugon ng pamahalaan sa Covid-19 krisis, ayon sa Malacañang.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mahalaga ang pagpapalawig ng emergency powers ni Duterte para matulungan ang pamahalaan na bilisan ang pagkalap ng medical supplies para sa paggamot ng Covid-19 patients at para magabayan ang mga pampribadong ospital na rumeresponde sa mga nagpositibo sa nakamamatay na sakit.

Ang Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act, na nagbigay ng emergency powers kay Duterte para gamitin sa Covid-19 pandemic, ay inaasahang magtatapos sa Hunyo 25.

Ilang beses nang binanggit ng Malacañang ang pangangailangang magpasa ng panibagong batas na magpapalawig sa emergency powers ng pangulo. Subalit, nag-adjourn sine die noong Hunyo 5 ang Kongreso nang hindi nagpapasa ng bagong batas hinggil sa pagpapahaba ng emergency powers.

Bagama’t sinabi ni Roque na mabuti ang kalagayan ng bansa sa ngayon, mas mapapaigting pa aniya ang paglaban ng pamahalaan sa Covid-19 kung maipagpapatuloy ni Duterte ang paggamit ng emergency powers.

Mahihirapan aniya si Duterte sa agarang pagbili ng mga medical supplies sakaling magwakas na ang Bayanihan Law. Mas matatagalan umano ang pagbili ng mga kinakailangang suplay kung ibabatay ito sa Procurement Act.

Sa ilalim ng Bayanihan Law, pinapahintulutan ang pangulo na mag-procure ng mga medical equipment sa pinakamabilis na paraan nang hindi dumadaan sa prosesong nakasaad sa Procurement Act.

Bukod dito, mahalaga rin aniya ang pagbibigay ng kapangyarihan kay Duterte na pangasiwaan ang mga pampribadong ospital kung kinakailangan.

The emergency power is important in this case because if they (private hospitals) don’t comply and if they don’t allot additional beds for Covid-19 patients, then we may have to take over some of these hospitals and hire our own nurses and doctors to man them. So that’s the importance of emergency powers (Mahalaga ang emergency power sa kasong ito sapagkat kung hindi sila (pampribadong ospital) papayag sa pagbibigay ng karagdagang kama para sa mga pasyente ng Covid-19, baka kami na ang magpatakbo sa mga ito at mag-hire ng sariling mga nurse at doktor. Ito ang importansya ng emergency powers),” paglilinaw ng tagapagsalita ng pangulo.

LATEST

LATEST

TRENDING