Walang nakikitang problema si Pangulong Rodrigo Duterte sa probisyon ng Anti-Terrorism Bill na magpapahintulot sa 14-day pre-trial detention ng mga sinususpetsahang terorista, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na bagama’t hindi pa nababasa ni Duterte nang buo ang nasabing bill, wala naman aniyang mali sa 14-day pre-trial detention sapagkat hindi nito nilalabag ang probisyon sa Saligang Batas na tanging hukom lamang ang makakapaghain ng warrant of arrest kung magkakaroon ng “probable cause”.
“After the pre-trial detention of 14 days, extendable for another 10 days, and notice has to be given to the nearest judge, it is still the court that will issue a warrant of arrest for purposes of actually arresting him or for the purpose of the court acquiring jurisdiction over the person of accused (Pagkatapos ng 14-day pre-trial detention, na maaaring palawigin ng 10 araw, at nabigyan ng notisya ang pinakamalapit na hukom, korte pa rin ang maghahain ng warrant of arrest para arestuhin ang pinaghihinalaang suspek),” dagdag pa ni Roque.
May malinaw na pag-unawa aniya si Duterte, na isang trial fiscal, sa kaibahan ng pre-trial detention at warrant of arrest para sa court jurisdiction.
Samantala, sang-ayon din umano ang pangulo sa probisyon ng bill na magpapahintulot ng karagdagang sampung araw ng detention sakaling hilingin ito ng mga awtoridad.
Pinabulaanan naman ni Roque ang naging pahayag ni retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio tungkol sa probisyon ng panukala na magpapahintulot sa anti-terrorism council (ATC) na arestuhin ang mga sinususpetsahang terorista at i-detain sila ng hanggang 24 araw. Ito raw ay paglabag sa Saligang Batas, ayon kay Carpio.
“We beg to disagree because it is still the courts that will designate a person as a terrorist organization. In fact, you have to file a petition with the Court of Appeals not just with the regional trial court (Hindi kami sumasang-ayon kasi korte pa rin ang may kakayanan na ituring bilang terorista ang isang tao. Sa katunayan, kinakailangang maghain ng petisyon sa Court of Appeals at hindi lamang sa RTC),” paliwanag ni Roque.
“Kumikiling” naman umano si Duterte na pirmahan ang bill matapos sertipikahang “urgent”. Subalit ipinagpapaliban muna niya ito hangga’t hindi natitiyak na hindi ito lalabag sa Konstitusyon.
Sa kasalukuyan, isinasapinal pa ng Office of the Executive Secretary, partikular na ang Deputy Executive Secretary for Legal Affairs, ang mga rekomendasyon nito para kay Duterte tungkol sa bill.
Nakapagsumite naman na ang Office of the Chief Presidential Legal Counsel at Department of Justice kay Duterte tungkol sa kanilang mga komento sa anti-terror bill.