Roque: LGUs, “nagpapanic lang”; Pamahalaan, walang pagkukulang sa “Hatid Probinsya”

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Presidential Spokesperson Harry Roque

Dinipensahan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan sa pagpapauwi ng mga balikbayang Pilipino sa kani-kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng programang “Hatid Probinsya” bagama’t ito ang itinuturong ugat ng pagdami ng bilang ng mga Covid-19 cases sa mga lalawigan.

Giit ni Roque, walang naging pagkukulang ang pamahalaan sa implementasyon ng programa bagama’t inaming nagkakaubusan ng Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test kits para tugunan ang mga dumadagsang OFWs.

“Naubos po. Talagang sila po ang gumagamit ng testing kits natin na PCR at hindi naman tayo pumapayag na rapid test kits lamang… Kapag dumating na ito mabibigyan na nating ang lahat ng uuwi sa kanilang probinsya ng PCR tests. Pero sa tingin ko hindi lapse iyon,” ani Roque.

Dahil sa kakulangan ng swab test kits, medical certificate na lang na magpapatunay na nakumpleto ang mandatoryong 14-day quarantine ang kinakailangang bitbitin ng mga OFWs. Sila naman ay isang beses lang na sasailalim sa RT-PCR testing pagkarating nila sa kani-kanilang mga probinsya. Ang mga nagnegatibo ay pauuwiin, habang ang mga nagpositibo naman ay i-iisolate at gagamutin.

Samantala, 13 na mambabatas mula sa Silangang Visayas ang nagpanukalang i-review ang pagpapatupad ng naturang programang naging sanhi aniya ng pagtaas sa bilang ng mga kaso sa kanilang nasasakupang mga distrito.

Ayon sa kanila, tumaas lamang ang bilang ng mga kaso sa rehiyon matapos ilunsad ang programang “Hatid Probinsya”, kung saan karamihan sa nadagdag na kaso ay mula sa mga umuuwing OFWs. Dapat aniyang tiyakin na matest muna sila gamit ang RT-PCR test upang mapag-alaman kung positibo o negatibo ba ang mga ito sa coronavirus bago pahintulutang umuwi.

Subalit, tinanggihan ni Roque ang kanilang mungkahi.

“Siguro nagpapanic lang ang ilang LGUs natin kasi dati wala silang COVID case. Pero wala naman pong problema maski magkaroon kayo ng COVID case eh. I-quarantine niyo lang, isolate, at gamutin, ‘di naman problema ‘yan,” wika ni Roque.

Ilang locally stranded individuals (LSIs) ang nagpositibo sa Covid-19 sa pag-uwi ng mga ito sa kanilang mga probinsiya. Ang iba pa nga ay nagnegatibo muna bago bumiyahe pauwi.

LATEST

LATEST

TRENDING