Walang mga opisyal aniya ang sangkot sa katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) bagama’t may mga naglilipanang bagong alegasyon ng kurapsyon sa ahensya, ayon kay PhilHealth president at CEO Ricardo Morales.
Idinagdag ni Morales na masyado pang maaaga para makipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte habang wala pang sapat na ebidensya tungkol sa naibalitang nawawalang ₱154-bilyong pondo dahil sa katiwalian.
Ito ay pagtugon ni Morales sa naunang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque kung saan nagpahayag ito ng pagnanais na magtatakda ng pagpupulong kasama si Duterte para talakayanin ang mga alegasyon ng katiwalian sa PhilHealth.
“Noong pumasok ako, that issue has already been in existence (nariyan na yung isyu) lalo na yang ₱154 billion na nawawala daw na pondo,” giit ni Morales.
Dagdag pa nito, “I can assure you that there is no group of people colluding with each other to defraud PhilHealth in this scare reported (Nakatitiyak akong walang grupo ng taong nagsasabwatan para i-sabotahe ang PhilHealth)”.
Ginamit ni Morales bilang depensa ang naging pahayag ng Commission on Audit (COA) na wala umanong nawalang ₱154 bilyon sa kahit anong financial statements ng insurer sa nakalipas na limang taon.
Gayunpaman, sinabi ni Morales na “no health system can be entirely fraud-free (walang sistemang pangkalusugan ang walang kurapsyon)” at tanging “harmonized information system (maayos na information system)” lamang ang makalulutas aniya sa problemang ito.
Aniya, “We are a large corporation. Everyday, we process about 50,000 claims in about (Malaki kaming korporasyon. Bawat araw, nagpoproseso kami ng aabot sa 50,000 claims sa) 16 regional offices and 120 branches. Sa laki ng volume of transactions, may inefficiencies yan.”
Binatikos ni Roque si Morales noong nakaraang linggo dahil sa hindi malutas-lutas na kurapasyon di umano sa PhilHealth at sinabing dapat pinaimbestigihan na sana ni Morales ang isyu noon at tinanggal na ang mga tiwaling opisyal.
Iginiit ni Roque na ang reklamo ni Morales tungkol sa kakulangan ng pondo sa kanyang ahensya ay dahil sa presenya ng mga kurap na opisyales nito. Pinabulaanan naman ni Roque ang mga paratang na nais niyang maging susunod na pinuno ng PhilHealth
“Demotion po iyan, I’m not interested” pagbibigay diin ni Roque.
Dahil aniya sa pagbaba ng koleksyon sa panahon ng pandemiya, umaapela sa Morales na i-delay ang implementasyon ng Universal Health Care Law, kung saan prinsipal na awtor si Roque noong siya’y mambabatas pa.
Sinabi naman ni Morales na maayos ang magiging operasyon ng ahensya sa natitirang bahagi ng taon dahil sa reserbang pondo nitong aabot sa ₱130 bilyon.