Cayetano, tinuligsa ang “30-step” process ng DSWD sa pagbibigay ng ayuda

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
House Speaker Alan Peter Cayetano

Binanatan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa pagkaantala ng pamamahagi sa ayudang pinansyal bunsod umano ng kumplikadong proseso sa pagkuha ng ayuda.

“Assuming everyone cooperated, less than one week, longest two weeks, so ang tingin namin diyan, two to three days ‘yung initial house-to-house, then another three to four days to distribute,” ani Cayetano.

“Pero pagkatapos namin ipasa ‘yung batas, bigla ito ang ipapakita niyo sa amin. ‘Yan ang proseso na ginawa niyo, 30 steps,” dagdag pa nito.

Iginiit ng Speaker na hindi dapat minadali ng mga mambabatas ang pagpasa ng Bayanihan to Heal as One Act kung hindi naman agarang maibibigay sa mga benepisyaryo ang ipinangakong ayuda.

“Kailan niyo naibigay ‘yung social amelioration? End of May. Nag-uusap tayo niyan March and start of April. Tapos hindi kayo nagtataka kung bakit galit ang tao?” wika ni Cayetano.

“Eh di sana hindi namin niratsada ang batas. Sana one week namin ginawa ang batas. Nilagay na namin sa batas ang procedure,” giit nito.

Bilang pagtugon, sinabi naman ni DSWD Undersecretary Danilo Pamonag na ilang mga pamahalaang lokal ang nagpatupad ng mahigpit na proseso sa validation hinggil sa pagtukoy ng mga kwalipikadong benepisyaryo kaya nagkaroon ng pagkaantala.

Binigyang diin naman ni Pamonag na ginagawa ng ahensya ang lahat ng makakaya upang pabilisin ang pamamahagi sa pangalawang busgo ng ayuda na gagamit ng digital payment.

Samantala, hindi naman inimbitahan ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairperson Jonathan Sy-Alvarado si DSWD Secretary Rolando Bautista dahil wala aniya itong kasalanan sa mga problemang bumabalot sa distribusyon ng ayuda.

“Hindi ko binigyan ng pormal na imbitasyon si Secretary Bautista bagkus ang inimbentahan natin ay ang kanyang mga undersecretary dahil maliwanag naman na sa lebel ni Secretary Bautista wala naman tayong nagiging problema,” pahayag ni Alvarado.

Gayunpaman, sinabi ni House Committee on Public Accounts chair Rep. Mike Defensor na mas mabuti sana kung nakadalo si Bautista sa pagdinig.

“Pero gusto ko rin i-remind na meron itong command responsibility, while we are looking in the problems in the region. Sana makita ni Secretary Bautista ang mga problema na ito,” sabi ni Defensor.

LATEST

LATEST

TRENDING