VP Leni: “Hindi ko naman kailangan ng posisyon para tumulong”

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Itinanggi ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo na interesado siyang mag-apply bilang pinuno ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) at sinabing hindi niya kailangang maluklok sa naturang puwesto dahil nakatutulong naman siya aniya sa laban kontra Covid-19 kahit wala ito.

Tinawanan lang niya ang “takot” ng ilang mga opisyal na mariing tumatanggi sa ideyang pagtatalaga sa kanyan bilang pinuno ng IATF.

Aniya, Huwag po kayong matakot kasi hindi ako nag-aapply. Nakakatawa lang kasi nakikita kung sino ‘yung natatakot eh“. 

Bagama’t hindi nagbigay ng mga pangalan si Robredo, nagpahiwatig naman ito na ang mga tinutukoy niya ay ang mga opisyal na tinugunan ang  hamon ni dating senador Antonio Trillanes IV na  i-appoint bilang pinuno ng IATF ang pangalawang pangulo.

Hinindian ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang hamon ni Trillanes at iginiit na hindi kailangang i-appoint si Robredo kung sinsero naman ito sa kanyang mga ginagawang pagtulong.

Sinang-ayunan din ni Senador Christopher “Bong” Go si Roque, at sinabing dapat matuto na si Robredo sa sinapit niya noong itinalaga siyang pinuno ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Ayon naman kay Robredo, “Unang una, hindi ko naman kailangan ng posisyon para tumulong. Nakita naman sa trabaho natin mula day one. Dati nga hindi pa tayo inaappoint sa Cabinet, marami na tayong ginagawa”.

Ilang beses nang pinatalsik si Robredo sa mga posisyong itinalaga sa kanya dahil sa madalas na pagsasalungat nila ng administrasyong Duterte.

Noong Nobyembre, sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte si Robredo bilang co-chair ng ICAD nang hindi pa umaabot ng tatlong linggo sa pagkakatalaga rito.

Dati ring nagbitiw si Robredo bilang Housing Secretary dahil sa pagbawal sa kanyang dumalo sa mga pagpupulong ng Gabinete.

Gayunpaman, kinilala ni Duterte ang mga inisyatiba ni Robredo sa paghingi ng tulong mula sa pambripadong sektor alinsunod sa laban kontra Covid-19.

Sinibak pa nga ng pangulo si dating Presidential Anti-Corruption Commissioner Manuelito Luna matapos irekomendang paimbestigahan si Robredo sa mga ginagawang pagtulong nito sa kasagsagan ng krisis.

Sa paglaganap ng pandemiya sa buong bansa, nagpaabot ng tulong ang Office of the Vice President sa mga apektadong sektor sa pamamagitan ng pagkalap ng pondo para sa mga frontliners, health workers, at mga lokal na komunidad. Namahagi rin ang tanggapan ng mga test kits at protective gears sa mga ospital; at mga food packs para naman sa mga lubhang naapektuhan ng pandemiya.

LATEST

LATEST

TRENDING