Pinahintulutan na ang pagdaraos ng mga mass gatherings sa mga kolehiyo at unibersidad sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ), ayon sa Malacañang.
“Pinayagan na rin ang mass gatherings sa higher educational institutions ngunit kailangan silang sumunod sa existing guidelines sa ilalim ng MGCQ,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.
Isa ito sa resulta ng mga naging pag-amyenda sa omnibus guidelines tungkol sa community quarantine ng Inter-agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).
Pinahintulutan na rin ng IATF ang pagbabalik-operasyon ng mga training courses sa ilalim ng Technical Educational and Skills Development Authority (TESDA) sa GCQ at MGCQ areas.
Ayon kay Roque, pinapayagan na ang technical-vocational educational training (TVET) ng TESDA sa mga GCQ areas, habang ang face-to-face TVET training classes naman ay pupuwede na hanggang sa 50% na kapasidad sa mga MGCQ areas. Gayunpaman, kinakailangan pa rin ang mariing pagsunod sa mga minimum health standards at TESDA guidelines.
Batay sa IATF resolution, maaari nang magbalik-operasyon ang mga sumusunod na trainings at assessments sa mga technical vocational institutions at TESDA technology institutions:
– Full online/E-learning trainings
– Lahat ng training programs tungkol sa agriculture/fishery qualifications para sa food production processing
– Distance learning para sa TVET programs
– E-learning component ng Blended Learning para sa TVET programs
– Dual Training System, Enterprise-Based Training, at In-Plant Training sa mga establishimentong pinapayagan sa GCQ
– Electronic virtual Assessment at portfolio Assessment para sa ilang TVET qualifications
Dahil sa pananalasa ng Covid-19 pandemic, sinuspinde ang iba’t-ibang training at assessment classes ng TESDA simula noong Marso 13.