Nagbabala si Senador Christopher “Bong” Go sa pamahalaan noong Hunyo 21 na huwag madaliin ang planong pagbabalik-operasyon ng mga motorcycle taxis bagama’t unti-unti nang ibinabalik ang mga pampublikong transportasyon sa kalagitnaan ng Covid-19 pandemic.
Naunang inanunsyo ng Malacañang na posible na aniyang pahintulutan ang pag-angkas sa mga motorsiklo alinsunod sa isinasapinal na panuntunan tungkol dito.
“Huwag lang po natin madaliin. Siguraduhin dapat na magagawa ito sa ligtas na paraan,” ani Go, na pinamumunuan ang Senate Committee on Health.
Dagdag pa nito, “Dapat pag-aralan muna kung ‘yung mga proposals tulad ng paggamit ng plastic dividers sa gitna ng nagmamaneho at ng pasahero ay sapat upang hindi makahawa ng sakit”.
Noong nakaraang linggo, iminungkahi ng mga motorcycle hailing firms na Angkas at JoyRide ang pagkakaroon ng plastic dividers sa likod ng mga drayber, subalit nabahala naman ang ilang transport groups na baka magdulot lamang ito ng aksidente.
Kasalukuyang ipinagbabawal ang pag-angkas sa mga two-wheeled vehicles sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ), katulad ng Metro Manila kung saan libu-libong mga commuter ang umaaasa sa mga motorcycle taxis para makaiwas sa trapiko.
Ayon kay Go, kahit na makatutulong sa pagbibigay ng hanapbuhay sa mga Pilipino ang pagbabalik-operasyon ng mga motorcycle taxis, kinakailangan pa rin aniyang bigyan ng mas matimbang na prayoridad ang kalusugan at kaligtasan ng mga tao.