150 LSIs, nakauwi sa ilalim ng programang “Hatid Tulong”

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Robert Alfiler (PNA)

Masayang nagpasalamat ang nakauwing 150 na locally stranded individuals (LSIs) na sa kani-kanilang mga tahanan sa Bicol region lulan ng Philippine National Railways train noong Hunyo 20. Naisakatuparan ang kanilang pag-uwi sa ilalim ng programang “Hatid Tulong” ng pamahalaan.

Bukod sa libreng transportasyon pauwi, nabigyan din ang mga ito ng ayudang pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), isang supot ng groceries, at makakain habang nasa biyahe.

Kabilang sa mga nakauwi si France Avila na kasamng bumiyahe ang kanyang tatlong batang anak. Binisita nila ang kanyang asawa sa Las Piñas para magbakasyon ngunit naipit nang maabutan ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila noong Marso.

Aniya,“Kaming mag-iina, pinupuntahan namin ang asawa ko dito para magbakasyon, pag walang klase sa Bicol. Mga two weeks lang. Namimili rin (kami) ng gamit ng mga bata. Tapos, umuuwi na kami sa Bicol. Kaso nung March, hindi na kami nakauwi kasi nag-lockdown na. Kasama ko ang mga bata kasi hindi nakakauwi ang papa nila. Dun sa Bicol nag-aaral ang mga bata”. 

Lubos ang pasasalamat niya sa “Hatid Tulong” dahil muli silang nakauwi sa kanilang tahanan dahil dito.

“Inasikaso kami talagang mag-iina. Hindi po kami pinapabayaan. Nag-text po ako, tapos three days tinawagan na agad ako kasi priority daw kami dahil may mga bata. Ang binigay sa amin, dahil may kasama akong tatlong bata, PHP5,000. Tapos may mga pagkain kami, lalo na para sa mga bata,” ani Avila.

Sa pagdating sa istasyon ng PNR noong Hunyo 19, sumasilalim sa rapid test para sa Covid-19 ang lahat ng “Hatid Tulong” beneficiaries.

Si Mary Anne Cynthia Nieves, isa ring benepisyaryo ng “Hatid Tulong”, ay muling nakauwi sa Sipocot, Camarines Sur.

Ayon kay Nieves, “Kaso nung mag-lockdown, nagkatanggalan sa trabaho. Tapos wala na kaming matirahan. Buti na lang may kababayan kami sa Caloocan na pumayag na makitira muna kami sa kanya pansamantala. Ang hirap ng sitwasyon namin. Buti na lang may ganito palang programa ang gobyerno”.

“Nakakatulong po masyado ito (sa) katulad namin na gustong-gusto na naming umuwi, dahil tulad nitong na-lockdown kami dito at wala kaming trabaho. Nag rapid test din kami kaya hindi na kami natatakot umuwi,” dagdag pa ni Mary Anne.

Dahil sa lockdown, ilang mga mag-aaral din ang napilitang manatili sa NCR dahil hindi makauwi sa kani-kanilang mga lalawigan.

Si Bryan Resoco, isang estudyante ng Batangas State University, ay nasa Kamaynilaan para sa kanyang on-the-job training sa University of the Philippines Diliman nang madatnan ng ECQ.

Wala itong telebisyon sa kanyang inuupahang apartment kaya napag-alaman lang niya ang “Hatid Tulong” mula sa kanyang ama.

“Nakita po ng tatay ko sa balita. Wala kasi kaming TV sa apartment. Sinabi ng tatay ko sa akin, may nakapaskil na number. Nag-text ako dun, tapos ayun, nasama ako sa listahan,” pagsasalaysay ni Resoco. 

Natuwa naman ito nang muling nakauwi at nakapiling ang kanyang pamilya.

“Masaya po ang mga magulang ko na merong ganitong programa ang gobyerno at dahil dito makakauwi na ako. Nakakatulong po siya lalo na ngayon wala pong ibang paraan ng transportasyon,” wika ni Bryan.

Sa pagdating nila sa kani-kanilang mga lalawigan, ang mga benepisyaryo ng “Hatid Tulong” ay sasailalim sa 14-day quarantine na ipinatutupad ng kani-kanilang mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan nila mula sa Covid-19.

LATEST

LATEST

TRENDING