UN Human Rights Council, tinalakay ang usapin sa rasismo at brutalidad ng kapulisan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Zheng Huansong (Xinhua)

Nagsagawa ng debate ang United Nations Human Rights Council (UNHRC) noong Hunyo 17 upang talakayin ang mga umaalingawngaw na paksa kagaya ng paglabag sa karapatang pantao batay sa lahi; sistematikong rasismo; brutalidad ng kapulisan; at karahasan kontra sa mapayapang pagpoprotesta.

Isingawa ang debate bilang pagtugon sa mga isyung bumabalot sa pagpaslang sa African American na si George Floyd sa Estados Unidos. Noong Mayo 25, pinatay ng isang pulis sa Minneapolis, Minnesota, ang 46-anyos na African American na si George Floyd matapos aniyang gumamit ng pekeng pera.

Ayon kay Elisabeth Tichy-Fisslberger, pangulo ng UNHRC, inilunsad ang debate alinsunod sa kahilingan ng Burkina Faso na nagrerepresenta sa African Group. Sa umpisa ng pagtitipon, nag-bow ito bilang paggalang sa lahat ng mga biktima at hinikayat ang mga dumalo na obserbahan ang pansamantalang katahimikan bago simulan ang talakayan.

Sinabi naman ni Amina Mohammed, deputy Secretary-General ng United Nations, sa pamamagitan ng teleconference, na makasaysayan ang isinagawang debate dahil patuloy pa ring nakararanas ng rasismo at kahirapahan ang mga taong may lahing Aprikano.

I too, like Martin Luther King Jr, have a dream that my granddaughter Maya will grow up in a world where she will not be judged by the color of her skin but by the strength of her character (Ako rin, tulad ni Martin Luther King Jr., ay may pangarap na makita ang apo kong si Maya na lumaki sa isang mundong hindi ka huhusgahan batay sa kulay ng iyong balat, kundi sa iyong karakter),” ani Mohammed.

Binigyang diin naman ni United Nations High Commissioner for Human Rights Michelle Bachelet, na malaki ang naging epekto sa mundo ng mga sumiklab ng protesta sa Amerika tungkol sa pagpaslang kay George Floyd. Kaya naman hinikayat nito ang UNHRC na pagtuunan ng pansin ang paglutas sa rasismo at diskriminasyon ayon sa lahi.

Iginiit din ni Bachelet na ang kaso ni Floyd ay patunay lamang sa patuloy na paggamit ng labis na karahasan ng mga awtoridad laban sa mga taong may lahing Aprikano. Dahil dito, hindi lamang aniya kailangang repormahin ang kapulisan kundi bigyan din ng solusyon ang ugat ng problema – ang rasismo.

Ayon naman kay E. Tendayi Achiume, UN Special Rapporteur on racism, nasasaksihan ng mundo ang malawakang pagkilos ng mga tao kontra sistematikong rasismo matapos ang karumal-dumal na pagpatay kay Floyd sa kamay ng awtoridad.

Iminungkahi naman nito sa UNHRC sa magbuo ng isang international commission upang mag-imbestiga sa iba’t-ibang mga kaso ng sistematikong rasismo sa kamay ng mga awtoridad sa Amerika.

Sa isang video message, sinabi naman ng kapatid ni George Floyd na si Philonise Floyd, na walang kahit isang pulis ang sinibak sa puwesto matapos ang pagkamatay ng kapatid. Nanawagan din ito para sa paggawa ng isang malayang komisyon na mag-iimbestiga sa mga kaso ng pagpatay ng mga African American sa kamay ng atoridad pati na rin ang pagpaslang sa mga mapayapang raliyista.

Sa pagtatapos ng debate, pinasalamatan ng mga ispiker ang African Group na siyang nasa likod sa pagsasagawa ng mga napipintong talakayan ukol sa rasismo, xenophobia, at diskriminasyon.

Dahil sa dami ng mga inimbitahang ispiker, ipagpapatuloy ang debate sa umaga ng Hunyo 18. Inaasahan naman ang pagbabalangkas ng isang resolusyon sa pagtatapos ng makasaysayang pagtitipon.

LATEST

LATEST

TRENDING