Ombudsman, maghahain ng subpoena sa DBM at DOH alinsunod sa Covid-19 investigation

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Jam Sta. Rosa (Inquirer)

Maghahain ng subpoena ang Office of the Ombudsman kay Budget Secretary Wendel Avisado at Health Secretary Francisco Duque III upang kumalap ng mga dokumento alinsunod sa ipinatutupad na imbestigasyon ng Ombudsman tungkol sa pagtugon ng pamahalaan sa Covid-19 pandemic.

Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, “Gusto naming malaman kung saan ginamit itong pera, gaano katagal nabigyan ng ayuda ‘yung mga pamilya ng namatayan na mga frontliners, those who were inflicted by the virus… Nasaan ang pondo, nasaan ‘yung pera ngayon?”

Itinanggi naman ni Martires ang mga naging pahayag ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi nabigyan ng sapat na abiso ang departamento sa isinasagawang imbestigasyon.

Ayon kay Martires, nakontak ng kanyang mga fact-finding teams ang opisina ni Vergeire, subalit hindi nila ito nakausap sa telepono. Binanggit din nitong tinawagan nila ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM), na dating opisina ni Duque noong mag-umpisa silang mag-imbestiga bago ang March 15 lockdown. Dahil sa mga kaganapang ito, hindi maaari aniyang sabihin ng mga opisyal na walang sapat na abiso sa kanila.

Pinabulaanan din ni Ombudsman ang naging pahayag ni Vergeire na makaaabala lamang aniya sa mga gawain ng DOH ang imbestigasyon at iginiit na ang magiging partisipasyon lamang ng departamento ay ang paglalabas ng mga mahahalagang dokumento na maaaring gawin ng isang clerk.

Layunin ng Ombudsman na kumalap ng impormasyon tungkol sa mga alegasyon ng anomalya sa pagbili ng mga Covid-19 tests kits; at sa mga naiuulat na pagkaantala sa pamamahagi ng personal protective equipment (PPE) sa mga health workers.

Inamin naman ni Martires na hindi siya natutuwa sa ginagawang pagresponde ng pamahalaan sa pandemiya. ​Gayunpaman, masyado pang maaga aniya ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga opisyal ng DOH at naka-pokus muna ang kanilang atensyon ngayon sa pagkalap ng mahahalagang impormasyon tungkol sa mga naiuulat na alegasyon at iregularidad.

Tiniyak naman nitong tatapusin ang isinasagawang imbestigasyon nang hindi lalagpas ng isang taon o bago dumating ang bakuna kontra Covid-19.

“Sa mga nangyayari, parang may mga itinatago,” komento ni Martires tungkol sa pamamaraan ng DOH sa pag-uulat ng mga datos sa Covid-19.

Gayunpaman, nilinaw ng Ombudsman na hindi makakaapekto ang kanilang imbestigasyon kung sakaling magbitiw, mag-leave of absence, o manatili bilang kalihim si Duque.

LATEST

LATEST

TRENDING