Malacañang, hinamon na i-appoint si Robredo bilang pinuno ng IATF

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Hinamon ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang Malacañang na i-appoint si Pangalawang Pangulo Leni Robredo bilang pinuno ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) matapos ang mga naging komento ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Naunang sinabi ni Roque sa isang panayam na sa halip na maghain ng mga kritisismo laban sa pamahalaan, dapat magbigay na lang aniya ng solusyon si Robredo sa pagtiyak na hindi magpopositibo sa Covid-19 ang mga magsisiuwiang locally-stranded individuals (LSIs) .

Iginiit ni Trillanes, na isang kritiko ng administrasyong Duterte, na ikonsidera ng pamahalaan na i-appoint si Reobredo bilang pinuno ng IATF.

“Kung si Vice President Leni ang mamumuno at magpapatakbo ng IATF, mas marami itong magagawa at siguradong mas maganda ang kampanya natin laban sa COVID-19,” ani Trillanes.

Sa ngayon, pinamumunuan ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang IATF. Kasalukuyan naman itong pinaiimbestigahan ng Ombudsman tungkol sa mga alegasyon ng anomalya at iregularidad sa mga ipinatutupad na hakbang kontra Covid-19 ng DOH.

Tinanggihan naman ni Roque ang hamon ni Trillanes at sinabing binabali lamang nito ang kanyang mga sinabi.

Aniya, “She is helping in her own ways and if her intentions are genuine, there is no need for her to be appointed or designated in the Inter-Agency Task Force (IATF) (Tumutulong siya sa kanyang pamamaraan at kung sinsero naman ang kanyang pagtulong, hindi na siya kailangang i-appoint sa IATF)”.

Binigyang diin ng tagapagsalita ng pangulo na hindi niya minamaliit ang mga naging kontribusyon ni Robredo sa pagtulong sa kasagsagan ng pandemiya. Iginiit nitong maaari naman umanong magbigay ng mga suhestyon ang pangalawang pangulo tungkol sa mga kinakaharap na suliranin ng pamahaalan. Asahan namang isusumite aniya ang mga panukala ng pangalawang pangulo sa IATF sakaling magbibigay ito.

LATEST

LATEST

TRENDING