Inaasahan ang pagdating ng mga Covid-19 test kits sa bansa na makakatugon sa halos 10 milyon katao, ayon kay National Task Force on COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez, Jr.
Sinabi ni Galvez na may paparating na 230,857 polymerase chain reaction-based kits na puwedeng gamitin sa 8,544,282 katao. Nag-procure rin aniya ang Department of Budget and Management (DBM) ng 15,700 kits na maaaring tugunan ang 1,233,750 na pasyente.
“Having all these test kits, we will now be able to test 9,838,032 in total (Dahil sa mga kits na ito, makakapagtest tayo ng kabuaang 9,838,032 katao),” ani Galvez.
Sa mga testing laboratories naman, ibinalita ni Galvez na mayroong 62 certified laboratories para sa COVID-19 testing sa bansa. Ang CARAGA region nalang di umano ang rehiyon na wala pang sariling testing facility.
Ang mga laboratoryong ito ay nakapagsagawa na ng 553,197 tests sa kabuuan, subalit ang pinakamaring matetest ng mga ito sa isang araw ay nasa 15,000 lamang.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang pagkaantala sa pag-uulat ng mga bagong kaso ng Covid-19 ng Department of Health (DOH) bunsod ng kakulangan ng ahensya sa tao at dahil na rin sa ilang technical glitches. Nananatili pa rin ang mga backlogs nito.
Sa kasalukuyan, mahigit 28,000 na ang kabuuang bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa. Nagbabala naman ang ilang mga eksperto na posibleng umabot pa ito sa 40,000 sa pagtatapos ng buwan.