Tinanggihan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang aniya’y pasaring ng nagbitiw na special adviser ng National Task Force (NTF) against COVID-19 na si Dr. Tony Leachon na pinababa ito sa puwesto dahil sa mga maaanghang nitong pahayag laban sa gobyerno.
Mariing hinindian ni Roque na sila ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang may pakana sa pagbibitiw ni Leachon.
Gayunpaman, inamin ng tagapagsalita ng pangulo na ikinabahala ng NTF ang ilang beses na panunuligsa ni Leachon tungkol sa pamamamaraan ng paglalabas ng datos ng DOH. Hindi rin umano ikinatuwa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang binitawang mga komento ni Leachon.
“Huling pagpupulong kay President, nanggaling na mismo kay Presidente [na] bakit nagsasalita nang ganito si Leachon. So let me correct you Dr. Leachon, hindi po ako or si Secretary Duque, mismong Presidente po noted that you should not be doing what you are doing,” giit ni Roque.
Binigyang diin naman ni Roque na hindi sinabi ni Duterte na bumaba sa puwesto si Leachon. Hindi rin aniya malinaw sa task force kung ano ang eksaktong tungkulin ni Leachon sa mga hakbang kontra Covid-19.
Si NTF against Covid-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez, Jr. ang nagpasya umano na magpaalam na mula sa task force si Leachon matapos mapag-alaman ang pahayag ng pangulo.
Dinipensahan naman ni Roque na transparent at malinaw ang DOH pagdating sa pag-uulat nito sa bilang ng mga Covid-19 cases.
Aniya, “Kaya nga po kami nagalit eh, kasi pinalalabas niyang sinungaling lahat, except siya. Hindi naman pupuwede na siya lang ang nagsasabi ng katotohanan. Ang datos inilalabas natin, there is a need to improve iyong reporting ng datos to make it accurate, pero wala pong nagsisinungaling”.