Binigyang pugay ng Malacañang noong Hunyo 19 ang mga Pilipinong nangunguna sa laban kontra Covid-19 at itinuring sila bilang mga bagong bayani, kasabay nang pagdiriwang ng bansa sa ika-159 na kaarawan ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.
Ang mga Pilipino, partikular na ang mga kabataan, ay dapat aniyang tumulad kay Rizal na maging “agents of genuine transformation for a better Philippines (katuwang sa tunay pagbabago para sa mas magandang Pilipinas),” ani Presidential Spokesman Harry Roque.
Dagdag pa nito sa isang pahayag, “This occasion reminds us of Dr. Rizal’s young life, dedicated to service, which rings a bell in these challenging times (Ipinapaalala sa atin ng okasyong ito ang kabataan ni Dr. Rizal kung saan inilaan niya ito sa pagseserbisyo, na isang mahalagang bagay ngayong panahon ng krisis)”.
“We are proud to see today modern-day heroes — our courageous frontliners — who rise up to the challenge and serve as beacons of hope to a people weary and fearful of the present global health scare (Ikinagagalak namin ang makita ang mga makabagong bayani – ang ating magigiting na frontliners – na walang patid pa rin ang paglilingkod at pagsisilbi bilang pag-asa sa mga taong pinanghihinaan ng loob dahil sa pananalasa ng pandemiya),” pagbibigay diin ni Roque sa isang pahayag.
Ipinanganak noong 1861, kinikilala si Rizal bilang pambansang bayani ng Pilipinas. Pinakanakilala si Rizal bilang awtor ng mga nobelang “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo” nakatulong upang pag-alabin ang paghihimagsik ng mga Pilipino laban sa mga manlulupig na Kastila.