DOH, posibleng bumalik sa dating sistema ng pag-uulat sa Covid-19 cases

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
DOH Underscretary Ma. Rosario Veregeire

Posibleng bumalik sa dating paraan ng pag-uulat sa bilang ng mga Covid-19 cases sa bansa ang Department of Health (DOH) kung matatapos aniya nito ang mga nakabinbing backlogs.

Ayon kay DOH Underscretary Ma. Rosario Veregeire, “In the next few weeks, if we will see that the late cases already we were able to exhaust at fresh cases (Sa mga susunod na linggo, kung matatrabaho natin ang mga late cases at fresh cases) na lang, babalik na tayo sa dati nating pagre-report ng data”.

Noong Mayo, nagpatupad ng bagong pamamaraan ng pag-uulat sa mga kaso sa Covid-19 ang ahensya sa pamamagitan ng paghihiwalay ng mga “fresh” cases, o mga resultang inilabas sa loob ng tatlong araw; sa mga “late” cases, o mga resultang inilabas nang mahigit apat na araw. Ayon sa ahensya, ang sistemang ito ay ipinatupad upang matiyak ang pagiging transparent at agaran sa paglababas ng datos.

Subalit, umani ng batikos mula sa publiko at ilang mambabatas ang ipinatupad na sistema dahil sa kalituhang idinulot nito. Ang iba naman ay kinuwestyon ang kredibilidad at ang pagiging wasto ng datos ng naunang sistema.

Isa sa mga nagpahayag ng pagkadismaya sa DOH ay si Dr. Tony Leachon, na kamakailan ay nagbitiw sa puwesto bilang special adviser to the COVID-19 National Task Force dahil sa ginawa nitong pambabatikos tungkol sa kapabayaan di umano ng DOH.

Iginiit niyang hindi dapat payagan ang ganitong klase ng pamamalakad at kailangang mapanagot ang mga opisyal ng ahensya.

We’re still struggling with the data. We’re the only country in the world reporting fresh and late… In crisis, sometimes, we should not tolerate mediocrity (Nahihirapan pa tayo sa datos. Tayo lamang sa mundo ang nag-uulat ng fresh at late… Sa panahon ng krisis, minsan, hindi natin dapat payagan ang kapabayaan sa pamamahala),” wika ni Leachon sa isang panayam.

Pinabulaanan naman ni Vergeire ang isyu tungkol sa “delayed” data at iginiit na nagsisimula ang pagkolekta at pag-validate ng mga datos sa lokal na pamahalaan.

People have to understand that the data we get, it’s not just national government (Dapat maunawaan ng tao na hindi lamang sa national government nanggagaling ang mga datos)… Ang daming actors na pinagdadaanan netongreports na ito,” ani Vergeire.

Sa kanyang Twitter account, ipinahayag ni Leachon ang kanyang saloobin tungkol sa kakulangan aniya ng DOH hinggil sa risk communication, data management, at pag-implementa sa lahat ng mga hakbang kontra Covid-19.

Nanawagan din ito sa mga awtoridad na ilabas ang real-time at detalyadong datos tungkol sa bilang ng mga impeksyon, upang mas mapadali ang pagdedesisyon ng mga opisyal tungkol sa mga karampatang hakbang bilang pagtugon sa Covid-19 krisis.

Samantala, pinaiimbestigan naman ang DOH ng Ombudsmana batay sa ilang mga alegasyon ng “iregularidad at anomalya” sa mga ipinatutupad na hakbang bilang pagresponde sa Covid-19.

Makikipagkooperasyon naman aniya ang ahensya sa isinasagawang imbestigasyon.

LATEST

LATEST

TRENDING