Ipinahayag ng Malacañang na wala itong pinagsisisihan sa iba’t-ibang mga ipinatupad na patakaran at palisiya upang tugunan ang pananalasa ng Covid-19 pandemic sa bansa. Kabilang dito ang pag-implementa ng isa sa mga pinakamahigpit at pinakamahabang lockdown sa buong mundo hinggil sa pagresponde sa Covid-19 krisis.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, “I don’t think there’s any regret about what we have implemented. We have protected our people and we’re hoping that in the near future, we will recover from the economic losses that we suffered because of the policy decision to uphold the right to life (Wala kaming pinagsisisihan sa mga naimplementang hakbang dahil naprotektahan nito ang taumbayan at nananalangin kami na sana makabangong muli ang ekonomiya dahil mas binigyang prayoridad ang buhay ng tao)”.
Noong Marso, ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon. Ayon kay Roque, tama ang ginawa ng gobyerno dahil nakatulong ito sa pagbabawas ng mga naitatalang pagkamatay dahil sa nakamamatay na sakit.
Batay sa datos noong Hunyo 16, 26,781 na ang kabuuang bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa. Sa bilang na ito, 1,103 ang nasawi habang 6,552 naman ang gumaling.
“We made the right move because, in terms of death, we have had in excess of a thousand, compare it to the hundreds of thousands that have already died just like in the United States (Tama ang ginawa natin sapagkat kung pag-uusapan ang bilang ng mga nasawi, mas mababa ang bilang ng Pilipinas kung ikukumpara sa daan-daang libong namatay katulad ng Amerika),” ani Roque.
Noong Hunyo 15, isinailalim ni Duterte ang Lungsod ng Cebu at Talisay sa ECQ at modified ECQ hanggang Hunyo 30 dahil sa patuloy na pagtaas sa bilang ng mga kaso.
Umiiral naman ang general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Santiago City, Aurora, Bataan, Bulacan, Tarlac, Olongapo City, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Occidental Mindoro, Bohol, Cebu, Negros Oriental, Siquijor, Mandaue City, Lapu-Lapu City, Zamboanga City, at Davao City.
Ang natititrang bahagi naman ng bansa ay nasa modified GCQ, ang pinakamagaang uri ng community quarantine.
Gayunpaman, iginiit ni Roque na maaari pa ring maglunsad ng “localized lockdown” ang mga pamahalaang lokal.
Sinabi ng Palasyo na unti-unting bumubuti ang sitwasyon ng bansa sa paglaban nito sa Covid-19 pandemic. Ipinaliwanag nito na ang doubling rate ng Covid-19 cases ay bumagal na nang sampung araw na nangangahulugang di aabot sa sampung katao ang namamatay bawat araw dahil sa Covid-19.