Inanunsyo ni Dr. Tony Leachon noong Hunyo 17 na nagbitiw na ito bilang Special Adviser to the National Task Force on COVID-19. Ayon sa kanya, napilitan siyang bumaba sa puwesto matapos umanong madismaya ang dalawang opisyal ng Gabinete dahil sa pagbubunyag nito sa mga kapabayaan ng pamahalaan upang tugunan ang krisis sa Covid-19.
Ipinahayag ni Leachon ang pagbibitiw, tatlong araw matapos nitong banatan ang Department of Health (DOH) dahil sa kapalpakan umano ng ahensya sa pagtugon sa pandemiya. Siya ay nagsilbi bilang special adviser kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr.
Noong Hunyo 13, tinweet ni Leachon ang aniya’y pagkukulang ng ahensya hinggil sa risk communication, data management, at sa pagpapatupad sa lahat ng planong may kinalaman sa Covid-19. Dismayado rin si Leachon sa delayed at nakakalitong pamamaraan ng pag-uulat ng DOH sa mga kumpirmadong mga kaso ng Covid-19.
Matagal nang nananawagan si Leachon sa mga awtoridad na ilabas ang real-time na datos sa bilang ng Covid-19 infections upang hindi mahirapan ang ibang opisyal ng pamahalaan sa paggawa ng mga palisiya at hakbang kontra Covid-19.
“My manner of communicating to the public – truthful, transparent, open and straightforward – might not be aligned with the communication strategy of the Palace (Ang paraan ko ng pakikipag-usap sa publiko na makatotohanan at diretso sa punto, ay maaaring hindi kapareho sa pamamaraan ng Palasyo), doon po siguro kami hindi nagkaintindihan,” giit ni Leachon.
Inamin naman ng dating special adviser na hindi ikinatuwa ni DOH Secretary Francisco Duque III at Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga naging komento nito sa Twitter. Dahil dito, pinakiusapan siya di umano ni Secretary Galvez na tuluyan nang mamaalam sa task force.
“Hindi nila nagustuhan ‘yung manner that I communicate to the public as to the many lapses of the Department of Health (yung pamamaraan ko ng pagbibigay-impormasyon sa taumbayan tungkol sa kapabayaan ng DOH),” ani Leachon.