Pag-implementa sa 2nd phase ng pampublikong transportasyon, itutuloy ng DOTr

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Itutuloy ang pagratsada sa pangalawang bugso ng pagbabalik-operasyon ng pampublikong transportasyon bagama’t nasa general community quarantine (GCQ) ang Kalakhang Maynila at iba pang mga lugar sa bansa, ayon sa Malacañang.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakahanda na ang Department of Transportation (DOTr) sa pagpapahintulot ng mga public utility buses (PUBs), modern public utility vehicles (PUVs), at UV Express na magbalik-pasada sa limitadong kapasidad. Ang pangalawang bugso ay itinakda sa Hunyo 22-30.

Sa naunang alon noong Hunyo 1-21, mga tren, bus augmentation units, taxis, Transport Network Vehicle Service (TNVS), shuttle services, point-to-point buses, at mga bisekleta lamang ang tanging pinayagan.

Alam ko po sa June 22, they will implement the next phase of the DOTr (i-implementa ang kasunod na bugso ng DOTr)…That will continue whether or not we are in GCQ (Ito ay itutuloy bagama’t tayo ay nasa GCQ o hindi),” ani Roque.

Subalit, hindi pa malinaw kung papagayan ng mga ahensya ang pagbabalik-operasyon ng mga provincial buses.

Aniya, “The question mark po are the provincial buses because I know that while under GCQ (Ang tanong po sa ngayon ay kung papayagan na ba ang mga provincial buses habang nasa GCQ) e parang wala pa. Wala pang provincial buses”.

Noong Hunyo 15, inanunsyo ng pangulo ang mga bagong klaspikasyon ng community quarantine na iiral hanggang Hunyo 30. Nasa ilalim ng GCQ ang Metro Manila, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora, Bataan, Bulacan, Tarlac, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Occidental Mindoro, Bohol, Cebu, Negros Oriental, at Siquijor. Kabilang din dito ang mga Lungsod ng Santiago, Olongapo, Mandaue, Lapu-Lapu, Zamboanga, at Davao.

Ibinalik naman ng pangulo ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Lungsod ng Cebu dahil sa patuloy na pagtaas sa bilang ng Covid-19 cases dito. Ang Talisay City, isang component city sa lalawigan ng Cebu, ay ipinasailalim naman sa modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang Hunyo 30 sa parehong kadahilanan.

Ayon kay Roque, isinusulong ng DOTr ang pag-arangkada ng public utility jeepneys (PUJ) modernization program kung saan balak gawing kapareho sa modern buses ang seating arrangement ng mga jeepney.

Aniya, Ang sabi ng DOTr, itutuloy po nila ang jeepney modernization at magbibigay po tayo ng tulong para yung mga displaced jeepney operators ay makasapi po dito sa jeepney modernization”.

Para naman sa mga drayber ng tradisyunal na jeepneys, kukunin sila aniya ng mga pamahalaan bilang mga drayber ng delivery service habang ipinagbabawal pa rin ang pagbiyahe ng mga tradisyunal na units ng jeepney.

Nauna ring sinabi ni Roque na pinag-iisipang kuning contact tracers ang mga tsuper dahil kinakailangan di umano ng pamahalaan ang kumuha ng karagdagang 120,000 contact tracers.

Tiniyak naman ng tagapagsalita ng pangulo na may matatanggap na ayudang pinansyal ang mga tsuper mula P5,000 hanggang PHP8,000 sa ilalim ng social amelioration program (SAP).

Ayon sa grupong Piston, 500,000 PUJ drivers ang nawalan ng hanapbuhay ngayong panahon ng pandemiya. Posible namang mamigay ng ikatlong bugso ng sabsidiya ang pamahalaan para sa mga drayber ng jeepney.

LATEST

LATEST